top of page

Kaso ng sanggol na naputulan ng ulo habang ipinapanganak, imbestigahan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 23, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | November 23, 2023


Masakit para sa isang ina na ang inaasahang beybi na kanyang iluluwal ay patay na nang ipanganak.


Ito ang nangyari sa isang sanggol na babae na naputulan ng ulo habang ipinapanganak ng kanyang ina sa isang private birthing clinic sa Puerto Princesa City, Palawan, kamakalawa.


Batay sa report ng GMA News, ipinaliwanag ng birthing clinic na pinagdalhan sa ina ng sanggol na tatlong araw na umanong patay ang beybi sa sinapupunan ng naturang ginang.


Subalit sa salaysay ng ama ng sanggol, sinabi umano nito na nagpasuri ang kanyang misis bago pa ito manganak. Aniya pa, nalaman na lamang daw nila na putol na ang ulo ng sanggol nang ito ay imbalsamuhin na.


Wala namang naging pahayag ang naturang birthing clinic pero, sa ngayon ay nag-iimbestiga na ang mga otoridad hinggil sa insidente.


Marami nang napapabalita na mga sanggol na namatay hindi pa man nailuwal o iniluluwal ng kanilang ina, kung saan kadalasan ay ipinanganganak na humiwalay ang katawan nito sa kanyang ulo.


Marahil, may mga nangyayaring kumplikasyon sa panahon ng pagbubuntis ng isang ina na tanging mga doktor lamang ang higit na makapagpapaliwanag.


Ang masaklap lang ay iyong nagpapasuri ang mga ina o dumaraan naman sila sa tinatawag na prenatal checkup na batid nilang maayos ang lagay ng kanilang sanggol pero pagkatapos ay nauuwi sa pagkamatay ng kanilang beybi.


Siguro dapat na pag-ukulan ng pansin ng kinauukulan ang ating mga ina at sanggol, gayundin ang mga nagbubuntis na nangangailangan ng ibayong pagkalinga.


Gayundin, dapat nilang inspeksyunin ang ating mga ospital, clinics at iba pang health facilities lalo na sa mga malalayong lugar o probinsiya dahil maaaring nagkukulang sa mga ito ng mga gamot at iba pang mahahalagang gamit pangmedikal para gamutin at sa kinakailangan ng kanilang mga pasyente.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page