top of page

Kasaysayan ng Labor Day sa 'Pinas

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 1, 2023
  • 4 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | May 1, 2023



Ngayong araw, Mayo 1 ay ginugunita natin ang Labor Day, isa itong national holiday sa Pilipinas na ipinagdiriwang kada taon, ang araw na ito ay kilala rin sa tawag na International Worker’s Day na kinikilala ang pagsisikap ng ating mga manggagawa sa kanilang pagpupunyagi at kontribusyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.


Ang Labor Day sa Pilipinas ay may mayamang kasaysayan at kahalagahan mula pa noong huling bahagi ng 1800 nang ang mga manggagawa ng Estados Unidos at Europa ay sabay na nakikipaglaban para sa mas maayos na kondisyon ng kanilang paggagawa, maayos na suweldo at walong oras na pagtatrabaho sa loob ng isang araw.


Ang mga isinagawang pagkilos ng mga manggagawa ay kumalat nang kumalat hanggang sa umabot na ito sa kaalaman ng mga manggagawa sa Pilipinas at taong 1903 ay ipinagdiwang na natin ang una nating Labor Day na naging holiday at naging opisyal itong national holiday noong 1905.


Mula sa abang kalagayan ng mga manggagawa, nagkaroon ito ng dignidad at pantay na pakikisalamuha sa mga namumuhunan at nakita ang kahalagahan ng mga manggagawa hinggil sa pagsulong at pag-unlad ng bawat bansa sa buong mundo.


Ngayong Labor Day, ipinapaalala sa ating lahat ang pagsisikap ng mga unang manggagawa na nagsumikap para maabot ang magandang kalagayan ngayon ng lahat ng manggagawa sa bansa, kabilang na ang pagtamasa sa maayos na sahod.


Higit pa r’yan, malaking oportunidad din ito upang ipagdiwang ang malaking ambag ng mga manggagawa, hindi lang sa paglago ng ekonomiya kundi maging ang pagbuti ng lipunan sa kabuuan na ngayon ay masayang ginagalawan ng bawat indibidwal sa bansa.


Karaniwang ipinagdiriwang ang Labor Day sa bansa sa pamamagitan ng mga parada sa mga lansangan, ang iba ay nagsasagawa ng mga rally at iba’t ibang programa na nilalahukan mismo ng mga manggagawa at unyon o samahan ng mga manggagawa na hanggang ngayon ay patuloy na nagsasama-sama.


Bahagi pa rin ng kanilang taunang pagdiriwang ay ang nakagisnan nilang hinaing hinggil sa mas ikabubuti ng kalagayan ng mga manggagawa, na batid naman natin na may ilan pa ring nagiging biktima ng pang-aabuso, lalo na sa malalayong lalawigan.


Nakapaloob pa rin sa mga programa ang mga karagdagang benepisyo at mas maayos na kalagayan nila sa oras ng pagtatrabaho, na sa panig naman ng pamahalaan ay sinisikap na maibigay, ngunit sadyang may mga bagay na dapat timbangin sa pagitan ng namumuhunan at hanay ng mga kapatid nating manggagawa.


Bukod sa mga tradisyunal na pagdiriwang, maraming employer ang nagbigay ng day-off sa kanilang mga manggagawa at ang iba ay nagbigay pa ng bonus o karagdagang insentibo, lalo na ‘yung mauunlad na kumpanya.


Bahagyang nanamlay ang mga isinasagawang pagdiriwang tuwing sasapit ang Labor Day dahil nitong mga nagdaang taon ay kasagsagan ng pandemya at pangunahing hindi magawa ng bawat isa ay ang magkumpol-kumpol, ngunit ngayon ay unti-unti na namang bumabalik ang lahat.


Marami rin naman sa mga manggagawa ang nakikisimpatya sa Labor Day, ngunit hindi sila pisikal na dumadalo sa mga aktibidades at sa halip ay mas pinipili nilang makasama ang kanilang pamilya, lalo pa ngayon na natapat sa sobrang haba ng bakasyon.


Karaniwan ay nagtungo na sa kani-kanilang probinsya noong nakaraan pang Biyernes, ang iba na may sapat na panggastos ay nangibang-bansa at inaasahang magbabalikan ngayong araw dahil bukas ay balik-trabaho na naman tayong lahat.


Marami rin naman sa ating mga kababayan ang mas pinili na lamang manatili sa National Capital Region (NCR), na bukod sa pagiging praktikal ay dinarayo naman ng mga turista ang NCR dahil sa kabi-kabilang kainan—mula street foods hangggang pinakasosyal na restoran.


Ang NCR din ang lugar na maaaring puntahan ng mga nais lamang magmapalamig upang labanan ang nararanasan nating init maghapon dahil wala namang pumipigil sa atin kahit maghapon tayong maglakad-lakad sa naglalakihang mga shopping mall.


Kabi-kabila na rin ang mga class na shopping mall at mga five-star hotel na para naman sa mga shopaholics o nais magwaldas ng salapi dahil halos lahat naman ng mamahaling brand mula sapatos, relo at iba pang kinahihiligan ng mga biktima ng ‘overpriced’ na bagay ay nasa NCR na.


Sa mga handa namang gumastos pero gusto ang sulit at walang pakialam kung peke o hindi ay nand’yan ang Divisoria at Baclaran na hindi maitatangging dinadayo rin dahil araw-araw itong siksikan sa dami ng nais mamili.


Nasa NCR din ang may pinakamasasayang ‘nightlife’ tulad ng mga bar, club, SPA at iba pang entertainment venues na hindi sasapat ang long weekend na ito para puntahan lahat.


Ngayon kahit mainit ay usong-uso ang expensive coffee na tinatambayan ng mga adik sa kape, kahit saang shopping mall ay mayroon na rin at higit sa lahat ay marami na rin ang nag-swimming sa malalapit na resort ang iba ay nagbabad na lamang sa mga swimming pool sa kani-kanilang condominium.


Siyempre, hindi naman maikukumpra ang mga karanasan sa probinsiya, pero ang mahalaga, kahit nasaan tayo ay naipagdiwang natin sa araw na ito ang Labor Day.

Salamat at mabuhay ang lahat ng manggagawang Pilipino!


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page