Kasambahay na 10 yrs. nang ‘di umuuwi, muling makakapiling ang pamilya
- BULGAR
- Dec 24, 2022
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Numero | December 24, 2022
Dear Maestro,
Nais kong malaman kung magkikita-kita pa kami ng mga kapatid at magulang ko na iniwan ko sa probinsya naming Masbate mula noong ako ay namasukan sa Maynila bilang katulong. Buhay pa ba ang mga magulang ko at maunlad na ba ang buhay ng mga kapatid ko sa aming probinsya ngayon? Mahigit 10 taon na kasi akong hindi nakakauwi sa amin. Ipinanganak ako noong July 17, 1988.
Umaasa,
Isabel ng Sauyo, Novaliches, Quezon City
Dear Isabel,
Ayon sa birthday mong 17 o 8 (1+7=8) sa destiny number na 5 (7+17+1988=2012/ 20+12=32/ 3+2=5) at sa zodiac sign na Cancer, wala kang dapat ipag-alala dahil malamang na kapwa malakas pa ang iyong mga magulang na iniwan mo sa inyong probinsya.
Nangyari ‘yan dahil karaniwan na sa mga taong isinilang sa mga petsang 8, 17, at 26, tulad mo ay nagtataglay ng mga magulang na mahahaba ang buhay at pagkatapos ay yumayaman sila. Kapag mayamang-mayaman na ang mga Taong Otso (8) na tulad mo, nakakabalik sila sa kanilang probinsya at nabibigyan nila ng tulong at maginhawang buhay ang mga kamag-anak nila ru’n, lalo na ang kanilang mga kadugo at magulang nila, na ‘yun naman marahil ang mangyayari sa iyong tadhana o kapalaran.
At malaki rin ang posibilidad na sa taong 2029, ayon sa maganda at maayos mong lagda, sa edad mong 41 pataas at sa buwan ng Nobyembre hanggang Disyembre, sa ganitong panahon din ng holiday season, makakabalik ka na sa inyong probinsya upang muli kayong magkita ng mga kapatid at magulang mo. Sa pagkakataong ito, muling mabubuo at magiging maligaya ang inyong pamilya, na ang pambihira o kakaiba sa panahon na ‘yun ay mayamang-mayaman ka na.




Comments