Kasambahay, dagdag-sahod ang sasalubong sa 2024
- BULGAR
- Dec 17, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | December 17, 2023
Good news ang sasalubong sa ating mga kasambahay na nasa National Capital Region (NCR) dahil sa mayroong dagdag sa kanilang buwanang sahod sa susunod na taon.
Gayundin, may dagdag sa kanilang minimum wage ang mga manggagawa naman sa Region XIII o Caraga Region.
Sa pahayag ng Department of Labor and Employment (DOLE), pinagtibay ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang wage orders na isinumite ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ng Caraga at National Capital Region (NCR).
Matatandaan na noong December 5 ay naglabas ang RTWPB ng Caraga ng motu propio Wage Order No. RXIII-18, kung saan nagkakaloob ng “P20 daily minimum wage increase across all sectors upon effectivity”, habang karagdagang P15 sa second tranche sa May 1, 2024.
Ayon sa DOLE, ang magiging daily minimum wages sa naturang rehiyon ay P385 sa pagpapatupad ng dalawang tranche.
Maliban dito ay naglabas din ang RTWPB ng Caraga ng motu propio Wage Order No. RXIII-DW-04 para madagdagan ng P1,000 ang monthly minimum wage ng ating mga kasambahay. Kaya naman magiging P5,000 na ang buwanang sahod ng mga ito sa nabanggit na rehiyon.
Ang RTWPB NCR naman, nitong December 12, 2023 ay naglabas ng motu propio Wage Order No. NCR-DW-04, na nagtatakda para sa dagdag na P500 sa monthly minimum wage ng mga kasambahay kaya magiging P6,500 na ang kanilang sahod.
Batay pa sa DOLE, inilathala ang wage orders RTWPB Caraga nitong December 16, 2023, habang magkakabisa naman ang nasabing kautusan matapos ang 15 araw o sa January 1, 2024.
Ilalathala naman ang wage order ng RTWPB NCR sa December 18, 2023, habang magkakabisa ito sa January 3, 2024.
Magandang balita talaga ito para sa lahat ng ating mga kasambahay dahil may dagdag-sahod silang matatanggap pagpasok ng taong 2024.
Tama lang ang ipapatupad na ito ng kinauukulan para sa kanila dahil mas magiging malaki na ang maiipon at maibibigay nila sa kani-kanilang pamilya.
Siyempre naman, nais lang din natin na tapatan ang kanilang pagseserbisyo at ibinibigay na pag-aalaga sa atin, kabilang na rito ang babantay sa ating bahay.
Batid ng lahat na hindi madali ang mga gawin ng ating mga kasambahay dahil nandiyan sila para sa atin na nag-aasikaso sa ating mga pangangailangan.
Paalala lamang natin sa ating mga kasambahay na huwag sanang abusuhin ang pagtitiwalang ibinibigay sa inyo ng inyong mga amo na itinuturing kayong pamilya, na wala ring iniisip kundi ang mapabuti ang inyong pamumuhay.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments