Karapatan ng mga small farmers
- BULGAR

- Jul 26, 2020
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | July 26, 2020
Nitong nakaraang pandemya na dulot ng COVID-19, nakita natin ang kahalagahan ng pagsasaka at pagtatanim ng mga halamang gulay. Pangunahing pangangailangan ng tao ang bigas at mahalagang mayroon ang bawat tahanan nito.
Dahil mahalaga ang pagsasaka sa ating mga Pinoy, ating pagnilayan ngayon kung ano ang itinalaga ng estado para bigyan ng proteksiyon ang mga magsasaka na naging higit na mas mahalaga ang papel sa ating lipunan ngayong panahon ng pandemya.
Sa ilalim ng Republic Act (R.A.) No. 7607 o mas kilala sa tawag na “Magna Carta for Small Farmers,” ang mga maliliit na magsasaka ay binibigyan ng karapatan ng estado upang pag-ibayuhin ang kanilang mga kapakanan. Ang mga magsasakang nabibilang sa kategoryang “small farmers” ay iyong mga magsasaka kung saan ang pangunahing pinagkakakitaan ay ang pagsasaka ng kanilang maliit na lupain at iyong mga pinagbentahan, pinagpalitan ng kanilang mga produktong lupa ay hindi hihigit sa P180,000.00 kada taon base sa taong 1992 na presyo.
Ang income level na ito ay pag-aaralan ng Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Finance (DOF) at ng National Economic and Development Authority (NEDA) base sa epekto ng inflation rate at sa presyo sa pamilihan. Ang kaukulang halaga ng income level ay maaaring palitan ayon na rin sa pag-aaral ng DAR.
Upang mabigyan ng kalakasan ang mga small farmers sila ay binigyan ng mga karapatan tulad ng mga sumusunod:
Gawin ang kanilang mga aktibidad at gawain sa isang kapaligirang may garantiya ng support price program para sa kanilang mga produktong lupa katulad ng bigas at mais;
Makilahok sa kalakalan ng kanilang produkto na malaya sa anumang monopoliya o cartel at anumang sitwasyon na maaaring magdikta ng presyo ng kanilang produkto at maaaring maging resulta ng kanilang kapinsalaan;
Maging kabahagi ng social security para magsilbing kanilang proteksiyon laban sa mga kalamidad, kamatayan, sakit at pagkabalda;
Makapangutang sa mababang halaga ng interest at may maliit na kolateral para sa kanilang pangangailangan sa pagsasaka at sa kanilang kabahayan;
Makakuha at magbahagi ng mga binhi (farm inputs);
Mapakinggan at magkaroon ng kinatawan sa gobyerno;
Mabigyan ng regular na kaalaman sa mga mahahalagang impormasyon sa mga presyo sa mga merkado, polisiya ng gobyerno na may kinalaman sa agrikultura at ng mga pangangailangan sa kalakalan at ng mga ibang pagsasanay sa pagsasaka;
Mabigyan ng benepisyo mula sa natural na yaman ng bansa sa ilalim ng batas;
Magpursigeng magkaroon ng kaukulang edukasyon at kasanayan tungo sa ikabubuti ng kanilang kabuhayan;
Makakuha ng technical assistance mula sa kaukulang ahensya ng pamahalaan para magkaroon ng kaalaman at pag-aaral sa pagkuha ng utang (loans) at iba pang economic assistance mula sa pamahalaan.
Kabilang din sa karapatan ng mga maliliit na magsasaka ay ang karapatang magtatag ng kanilang organisasyon para mapangalagaan ang kanilang interest. Bukod dito ay hinihimok din silang gumawa at sumali sa kooperatiba para magkaroon sila ng mga binhing kakailanganin nila sa mas mababang halaga at makakuha ng tapat na presyo para sa kanilang mga ani.
Upang pasiguruhan ng pamahalaan ang kapakanan ng mga maliliit na magsasaka, ang DAR ay magtatatag ng price support system para sa mga produktong pagsasaka katulad ng bigas at mais. Kinakailangan lamang na ang itinatag na price support system ay hindi maging sanhi ng pagtaas ng presyo ng mga nasabing produkto na hihigit sa kapasidad na makapagbayad ng average consumer.




Comments