top of page
SB19 at BINI PH - IG.jpg

Karapatan ng mga nabiktima ng karahasan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 23, 2020
  • 3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | August 23, 2020



Ngayong nagkaroon ng malawakang pandemya, bukod sa mga balita tungkol sa COVID-19 ay nababasa rin natin sa ating mga pahayagan, napapanood sa mga balita sa telebisyon, at naririnig sa himpilan ng mga radyo ang mga nangyayaring nakawan, holdapan, patayan, pang-aabuso at iba pang uri ng paglapastangan sa mga karapatan ng maraming mamamayan na kabilang sa iba’t ibang antas ng lipunan.


May mga balita pang lumalabas na nauso ang “online exploitation” ng mga bata, at marami sa insidenteng ito ay sarili nilang mga magulang ang may gawa. Ito marahil ang dulot ng pagkawala ng trabaho ng marami sa ating mga kababayan dahil sa pandemyang ating nararanasan.


Ito ay nakababahala lalo na sa mga batang biktima ng pang-aabuso mas lalo na kapag ang sarili nilang mga magulang ang salarin. Parang wala ng lugar na mapuntahan ang mga tao na sila ay ligtas sa mga panganib ng pang-aabuso, sa nakawan, patayan at kaguluhan.


Sa mga nabibiktima ng mga krimen at anumang uri ng karahasan ay may mga karapatang marapat na bigyan-pansin ng estado.


Ang bawat biktima ng kalapastanganan ay sumisigaw ng katarungan sa kaibuturan ng kanilang mga puso at isipan dahil sa ang pagkawala ng kanilang pag-aari at mahal sa buhay ay tunay na nagiging sanhi ng ibayong sakit sa kanilang kalooban.


Kapag ang tao ay nawalan ng bagay na kanyang pinaghirapan ay lubos niya itong panghihinayangan. Nanaisin nitong mabawi ang mga bagay mula sa taong kumuha. Kapag buhay naman ang nawala, pipilitin nitong pagbayarin ang taong responsable sa pagkitil nito. Kapag ang dangal ang niyurakan ay nanaisin ng biktima na makita na mapanagot at maparusuhan ang taong gumawa nito sa kanya. Bawat biktima ng krimen ay sumisigaw ng hustisya.


Ito ay normal na reaksiyon ng bawat tao na inagawan ng bagay na mahalaga sa kanyang buhay, buhay man ito ng mahal niya sa buhay o simpleng pagmamay-ari nito. Ito ay kinikilala ng batas ng tao alinsunod na rin sa tinaguriang “Golden Rule,” ang alituntuning nagsasabi na, “Huwag mong gawin sa iyong kapwa ang ayaw mong gawin din sa iyo.”


Subalit ang mga batas ng tao ay ginawang balansiyado sa pagitan ng mga biktima at ng mga akusado. Ang mga karapatan ng mga biktima ay ating tatalakayin. Ang ating “Criminal Justice System” ay mayroong limang (5) haligi, ito ay ang mga sumusunod:


1) Law Enforcement

2) Prosecution

3) Judicial

4) Corrections

5) Community


Ang limang haliging ito ay magkakaugnay at ipinamamalas ang iba’t ibang proseso ng ating hustisya kung saan ang biktima at maysala ay parehong binibigyan ng karapatan at katarungan. Matapos na ang krimen ay naganap, ang taong inakusahang gumawa ng nasabing krimen ay isasailalim sa pag-aresto at imbestigasyon (law enforcement), prosekusyon (prosecution), paglilitis at pagpapataw ng kaukulang kaparusahan (judicial) at pagsisilbi ng kaukulang parusa na ipataw sa kanya (correction). Matapos ang kanyang pagsisilbi o siya ay nabigyan ng parole o pardon, ang dating preso ay babalik sa lipunan na dati niyang ginagalawan.


Sa prosekusyon ng krimen, ang biktima ay tinataguriang testigong nagrereklamo at siya ang isa sa mga magpapatunay ng krimeng nagawa. Kung siya ay may sariling abogado, ang pangunahing tagapagtanggol pa rin nito bukod sa kanyang abogado ay ang public prosecutor o piskal na nakatalaga sa paglilitis ng kanyang kaso. Sa kawalan ng sarili niyang abogado, ang biktima ay ipagtatanggol ng public prosecutor.


Karapatan ng biktima na patunayan ang krimen na nagawa laban sa kanya sa pamamagitan ng mga ebidensiya. Tulad ng ibang testigo sa krimen, ang biktima bilang testigo ay may mga karapatang dapat na irespeto tulad ng mga sumusunod:


1) Maprotektahan laban sa mga nakaiinsultong pagtatanong at marahas na pag-uugali;

2) Karapatang magpahayag ng kanyang testimonya nang hindi mas mahaba sa hinihingi ng hustisya;

3) Karapatang matanong lamang ng mga bagay na may kinalaman sa kaso at isyu;

4) Karapatang tumangging magbigay ng sagot na maaaring magpababa ng kanyang reputasyon, maliban lamang kung ang nasabing paksa ay mahalaga sa pinag-uusapan;

5) Karapatang tumangging sumagot ng tanong na maaaring maging sanhi ng pagsasampa ng kaso sa kanya maliban lamang kung ito ay ipinag-uutos ng batas.


Kasama rin sa karapatan ng biktima ng krimen na mabigyan ng baya-pinsala. Ito ay para ibalik ang kanyang nawalang pagmamay-ari. Para sa mga namatayan, ang bayad-pinsala ay hindi para bayaran ang halaga ng puri o buhay ng kanyang minamahal, dahil wala itong katapat na halaga, kung hindi bahagi ito ng isinasaad ng batas na:


“Article 100. Civil liability of a person guilty of felony. - Every person criminally liable for a felony is also civilly liable.”

Sa ngayon ay may hakbangin ang ating Kongreso upang imbestigahan ang lumalaganap na “on line sexual exploitation of children” at kanilang pag-aaralan ang mga batas na sumasakop nito upang makasabay ang mga nasabing batas sa pagiging komplikado ng teknolohiyang digital.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page