top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

Karahasan, walang lugar sa paaralan

BULGAR
Nov 13, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | November 13, 2022


Ilang linggo mula nang ipatupad ang full face-to-face classes sa lahat ng paaralan sa bansa, maraming mag-aaral ang natuwa dahil sa wakas ay balik-eskuwela na.


Gayunman, isang Grade 11 student ang nagtamo ng sugat matapos umanong saksakin ng kapwa estudyante sa loob ng kanilang paaralan sa Vigan City, Ilocos Sur.


Nangyari umano ang pananaksak sa school grounds sa Ilocos Sur National High School at base sa ulat, nagkaharap umano ang dalawa sa school grounds at saka nagsuntukan hanggang sa masaksak ang biktima.


Nagtamo ng apat na saksak ang 20-anyos na biktima, na nasa maayos nang kalagayan matapos sumailalim sa operasyon. Napag-alaman namang Grade 9 student na pawang menor-de-edad ang suspek.


Samantala, binigyang-diin ng school principal na maaaring ma-dismiss ang suspek dahil maituturing umano itong attempted murder.


Magsasagawa ng imbestigasyon ang pamunuan ng paaralan at paiigtingin ang seguridad sa loob ng eskuwelahan.


Habang naniniwala tayong magandang balita na balik-eskuwela ang mga mag-aaral, hindi natin dapat isantabi ang kanilang kaligtasan, hindi lamang laban sa banta ng COVID-19 kundi maging sa karahasan.


Sa totoo lang, nakakadismaya dahil may ganitong insidente sa paaralan at ang masaklap, menor-de-edad pa ang nasangkot. Kaya ang tanong, paano naipasok ang armas sa paaralan, may kapabayaan ba sa seguridad o masyado nang maluwag?


Gayunman, hangad nating magsilbi itong leksyon sa mga pamunuan ng paaralan na huwag makampante dahil tulad ng palagi nating sinasabi, hindi lamang tayo dapat mag-ingat sa mga sakit kundi sa iba pang mga bagay.


Ang mga ganitong insidente ay dapat ding maiwasan, lalo pa’t mas marami nang estudyante ang mga nasa eskuwela.


Sa panahon ngayon, numero-unong dapat iprayoridad ang kaligtasan ng mga mag-aaral.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page