Karahasan at pang-aabuso sa kabataan, tumaas sa panahon ng lockdown
- BULGAR

- Jul 14, 2020
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | July 14, 2020
Kasunod ng dumaraming ulat ng pang-aabuso o karahasan ng mga guro o kawani ng mga paaralan laban sa mga mag-aaral, hinihimok ng inyong lingkod ang mga private at public schools sa elementarya at high school na pagalawin ang kanilang Child Protection Committee (CPC) laban sa iba’t ibang uri ng pang-aabuso, tulad ng sexual harassment.
Base sa PNP-WCPD, may mahigit 500 krimen na may kaugnayan sa pang-aabuso sa mga bata ang naitala noong Abril 30 — kasagsagan ng enhanced community quarantine (ECQ). Noong Hunyo 11, nakakalungkot na umakyat pa ang bilang ng mga kasong ito sa mahigit 2,000.
Iniulat naman ng Department of Justice (DOJ) na nag-triple ang kaso ng online sexual exploitation of children (OSEC) noong Marso. Ayon sa DOJ Office of Cybercrime, pumalo sa 279,166 na kaso ng OSEC ang naitala noong nakaraang Marso, habang mayroong 76, 561 na kaso ang naitala sa parehong petsa noong 2019.
Sa ilalim ng Department Order No. 40 s. 2012 ng Department of Education (DepEd), mandato sa mga Child Protection Committee o CPC ang pagbuo at pagpapatupad ng mga polisiya upang mabigyang proteksiyon ang mga bata.
Tungkulin din ng CPC na tukuyin ang mga posibleng kaso ng pang-aabuso sa mga mag-aaral at iulat ito sa mga kinauukulan tulad ng Philippine National Police Women and Children Protection Desk (PNP-WCPD), Local Social Welfare and Development Office, mga ahensya ng pamahalaan at mga non-government organizations.
Ang CPC ay pinamumunuan ng school head o administrator at katuwang nila ang isang guidance counselor o guro. Kabilang din sa nasabing komite ang kinatawan ng mga magulang, mga mag-aaral at komunidad.
Ayon sa 2016 National Baseline Study on Violence Against Children in the Philippines, 17.1 porsiyento ng kabataang may edad 13 hanggang 18 ang nakaranas ng karahasang seksuwal o sexual violence. Ayon din sa naturang ulat, higit limang porsiyento ng mga insidenteng ito ay nangyayari sa loob mismo ng paaralan.
Ayon naman sa pag-aaral nito lang Pebrero ng advocacy group na Center for the Prevention and Treatment of Child Sexual Abuse (CPTCSA), hindi lang mga kabataang babae, kundi pati mga lalaki na may edad 17-24 ay nakararanas din ng sexual abuse.
Hindi natin dapat pinalalagpas ang anumang uri ng pang-aabuso o karahasan laban sa mga kabataan sa tahanan man o sa paaralan. Kahit na wala munang face-to-face classes ngayong darating na pasukan, pinangangambahan ang posibilidad na makaranas ang mga kabataan ng karahasan kahit na nananatili lang sila sa kanilang mga tahanan habang nag-aaral.
Hangad natin ang mabilis na pagkilos ng ating mga paaralan sa pagsubok na ito. Kasabay ng edukasyon, bigyang-pansin din natin ang seguridad ng mga kabataang Pilipino.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com




Comments