top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Kapalpakan sa gobyerno, non-stop

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 14, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | July 14, 2023


Ito ang pangalawang pagkakataon sa loob ng dalawang buwan na ang isang tanggapan ng gobyerno ay binatikos ng publiko.


Isa pang ahensya ng gobyerno ang nahaharap sa pambabatikos matapos ang bagong labas na logo nito na hindi tumugma sa P3 milyon na price tag na diumano’y kasama nito.


Inihayag kamakailan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang kanilang bagong logo sa ika-40 anibersaryo nito sa Marriott Hotel Manila.


Ayon kay PAGCOR Chairperson at Chief Executive Alejandro Tengco, ang bagong logo ay sinasagisag ang “flame that ignites change and drives progress.”


Samantala, sa notice of award para sa bagong logo, ibinunyag na ang Printplus Graphic Services ay naniningil sa gobyerno ng P3,035,714.28 -- hindi kasama ang value added tax -- para sa bagong disenyo.


Kung mababasa ang mga komento sa Facebook posts ng PAGCOR, puro negatibo ang reaksyon ng mga Pilipino hinggil sa P3 milyong presyo ng logo.


Sa isang Facebook post na nag-abiso sa mga followers ng PAGCOR Facebook page na binago ang profile picture, nanawagan ang mga user na tanggalin ang sinumang nagdisenyo ng logo, habang binanggit ng iba ang iba’t ibang bagay na kahawig ng logo.


Ito na ang ikalawang pagkakataon ngayong buwan na ang isang tanggapan ng gobyerno ay binatikos dahil sa output na itinuturing na substandard ng publiko.


Talagang nakakadismaya dahil napakalaki ng pondong inilaan dito pagkatapos ang kinalabasan ay hindi pinag-isipan.


Mas maganda kung hindi na lang pinalitan ang lumang logo nito na simple lang ngunit sadyang makahulugan.


Tila may mga opisyal na namang nakinabang dito dahil totoo namang hindi pang-P3M ang hitsura ng bagong logo ng PAGCOR.


Ano pa nga ba ang aasahan natin sa gobyerno? Puro kapalpakan na lang ang hatid sa atin at nagsayang na naman ng napakalaking halaga ng pera.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page