top of page
Search
BULGAR

Kapalaran ng bebot na nainlab sa lalaking may sabit

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | Oct. 3, 2024



Kapalaran Ayon Sa Palad

KATANUNGAN

  1. May boyfriend ako ngayon. Ang sabi niya sa akin, hiwalay na raw sila ng asawa niya. Pero hindi pala totoo ang lahat, sa madaling salita, hindi pala sila naghihiwalay. At dahil mahal ko siya, tinanggap ko pa rin siya.

  2. Maestro, kami na ba talaga ang para sa isa’t isa? Siya na rin kaya ang lalaking itinakda sa akin ng kapalaran? Pero kung saka-sakaling sila talaga ng asawa niya ang nakatakda, tatanggapin ko nang maluwag sa loob ko kung saan siya mas magiging masaya. 

  3. Gusto ko lang malaman, kung halimbawang naghiwalay ‘yung mag-asawa, at parehong hindi maganda ang Marriage Line nila, o kahit isa lang sa kanila ang hindi maayos ang Marriage Line, tuluyan na bang mauuwi sa hiwalayan ang kanilang relasyon? 

  4. Mayroon din bang case sa mag-asawa na kahit parehas naman maayos ang Marriage Line nila, pero dahil maraming nanggugulo sa relasyon nila, mauuwi rin sa hiwalayan ang kanilang relasyon?


KASAGUTAN

  1. Ang totoo nito ay ganito, halimbawa sinasabi ng boyfriend mo na hiwalay na siya sa kanyang asawa, pero nakita mo na kapwa maganda ang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan niyang palad, at nagkataong maganda rin ang Heart Line niya (Drawing A. at B. h-h arrow b.), hindi nabiyak o naputol, ang ibig sabihin nito, hindi siya nagsasabi ng totoo. Sapagkat, ang magandang Heart Line (arrow b.) at Marriage Line (arrow a.) sa kaliwa at kanang palad ay isang patunay ng maayos, stable at successful na family life. 

  2. Ngayon, huwag mo nang intindihin kung anumang itsura ng Marriage Line o Heart Line sa guhit ng palad ng kanyang misis, dahil kani-kanya ‘yan nang dinadala at alalahanin sa buhay. Maaaring pangit ang Marriage Line ng kanyang asawa, dahil hirap na hirap na ito sa kakabuhat o kakadala ng mga problema nila, kaya pumangit ang Marriage Line at ang Heart Line niya. 

  3. Samantalang itong asawa niya ay pa-easy-easy lang at buhay binata na pinagkalooban ng magandang Marriage Line at Heart Line, dahil hindi niya iniinda ang mga problema at ini-enjoy niya lang ang kanyang buhay ngayon. 

  4. Ganu’n iyon! Kani-kanya tayo ng guhit ng palad, depende na lang kung paano natin ina-appreciate ang tadhana at kapalarang ating pinapasan. 

  5. Kaya kung wala kang makitang maganda at matinong Marriage Line (1-M arrow a.) at Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad, lalo na kung nagkataon pa na may Guhit ka ng Influence Line, na tinatawag natin na Guhit ng Immoral na Relasyon (I-I arrow d.). Ito ay isang kasiguraduhan na tama ang sinasabi mo sa mahaba mong sulat, ngayon pa lang tanggap mo na ang nakatakda sa iyong kapalaran – ang maging isang kerida habambuhay.

  6. Subalit dahil malinaw at maganda ang ikalawang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, kung ikukumpara sa naunang nabiyak at pumangit na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow c.), tiyak na ang magaganap, posible ka ring makalaya sa kasalukuyang boyfriend mo, upang pagdating ng araw, sa ikalawang pakikipag-boyfriend mo – isang lalaking walang pananagutan o binata ang darating sa buhay mo, sa kanya ka makakaranas ng isang maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya. 

 

 MGA DAPAT GAWIN

  1. Ayon sa iyong mga datos, Abigail, tiyak ang magaganap sa susunod na taong 2025, sa buwan ng Mayo, makikilala mo na ang ikalawang lalaki na magiging bahagi ng buhay mo, siya ay isang binata at walang pananagutan sa buhay. 

  2. Ang nasabing relasyon ay hahantong din sa isang maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya na nakatakdang mangyari at maganap sa taong 2026, sa buwan ng Disyembre, sa edad mong 33 pataas.






0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page