top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Kanino dapat maniwala, kina vaccine czar Galvez at Sec. Roque o kay FDA Dir. Gen. Domingo?

  • BULGAR
  • Mar 21, 2021
  • 2 min read

@Editorial | March 21, 2021


Kamakailan nang magpahayag ng suporta ang Malacañang sa panukala ni vaccine czar Carlito Galvez, Jr., na iturok na sa mga senior citizens ang bakuna kontra COVID-19 na likha ng Sinovac ng China.


Ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, marami nang mga bansa ang gumagamit ng naturang bakuna sa nakatatanda.


Gayunman, nanindigan ang Food and Drug Administration (FDA) na hindi maaaring iturok sa senior citizens ang Sinovac bilang proteksiyon kontra COVID-19.


Ayon kay FDA Dir. Gen. Eric Domingo, malinaw sa emergency use authorization (EUA) ng made in China na bakuna na puwede lang itong ibigay sa mga may edad 18 hanggang 59.


Maituturok lang umano ang Sinovac sa ‘seniors’ kung mapatutunayan ng gumawa ng bakuna na ligtas ito sa mga may edad 60 pataas.


Sa ganitong takbo ng usapin, hindi maiiwasang magdulot ito ng kalituhan sa publiko lalo na sa mga senior citizens. Sa pag-arangkada pa lang ng Sinovac ay malinaw nang bawal ito sa mga may edad na kaya nga marami ring health workers ang hindi muna naturukan.


Ngayon, kung ipipilit na turukan ang mga lolo’t lola ng bakunang hindi inirerekomenda, mas lalo lang itong magdudulot ng takot.


Hindi pa nga tuluyang nakukumbinse ang lahat na magpabakuna, hihirit pa sila ng ganito, lalong mawawalan ng tiwala ang taumbayan dahil nagsisimula na silang malito. Ano ba ang safe? Alin ba ang mas epektib? Sino ba ang hindi dapat turukan? Ito ‘yung mga tanong na sa simula pa lang ay dapat nang masagot para malinaw ang direksiyon ng ginagawang pagbabakuna.


Kaya ang panawagan sa mga kinatawan ng gobyerno, partikular sa mga namamahala sa laban sa COVID-19, iwasan sana nating makagulo sa mga usapin, tipong nagkakaiba-iba na kayo ng sinasabi. Tutal, may kani-kanya naman kayong trabaho, ‘yun na lang ang inyong tutukan.


Hayaan natin sa FDA, na responsable sa pagpili ng bakuna, ang magsalita sa publiko para iwas-gulo.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page