top of page
Search
  • BULGAR

Kandila at bandila para sa kapayapaan at soberanya

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | May 4, 2024



Fr. Robert Reyes


Ano ba ang gusto nilang mangyari? Ano ba ang gusto nilang gawin natin? Ito ang mga tanong na lumulutang sa isipan ng marami sa walang tigil na pambu-bully ng barko ng China sa mga barko at bangkang Pinoy sa West Philippine Sea (WPS). 


Noong nakaraang Martes, Abril 30, 2024, muling binomba ng barko ng Chinese Coast Guard (CCG) ang isang barko ng Philippine Coast Guard (PCG). 


Kinabukasan, ipinaliwanag ng mga opisyal ng PCG na ang ginamit na water cannon ay maaaring makamatay. Sa lakas ng tama ng tubig na ibinubuga ng water cannon ng CCG, nababaluktot ang mga bakal at nasisira ang mga “equipment” ng barko ng PCG. 


Kung tao ang tamaan ng tubig ng ganitong water cannon, tiyak na ibabalibag ito na maaaring mahulog sa tubig o tumama sa anumang bakal ng barko at posibleng magtamo ng malubha at nakamamatay na sugat. Tulad ng mga nagdaang panahon, tahimik lang at hindi tumitinag ang mga marino sa ating mga barko.


Tahimik at matapang na paninindigan ang ipinakikita ng ating PCG. Ano ang maaaring gawin ng mga maliliit at ordinaryong mamamayan?


Dahil dito, inilunsad kagabi ng Solidarity for Justice and Truth kasama ang grupong Atin Ito, ang “Kandila at Bandila para sa Kapayapaan at Soberanya.” Naganap ang paglulunsad sa Sacred Heart Parish Church, Kamuning nitong Biyernes, Mayo 3, 2024.


Unang Biyernes, kagabi at tuwing ganitong araw hanggang Hunyo 12, paiigtingin ang pagmamahal kay Inang Bayan ng bawat mamamayang Pilipino. Kailangang mabuo at maging isa ang isip, puso at espiritu ng mga kababayan sa harap ng labis at abusadong karahasang ipinadadama ng China hindi lang sa mga marino ng PCG kundi sa ating lahat. 


Ipinakikita at ipinadarama ng China ang kanilang kapangyarihan at ipinipilit na karapatan nilang angkinin ang hindi sa kanila ang WPS. At malinaw na hindi sila titigil hanggang hindi tayo umaayaw at sumusuko sa kanilang hindi makatarungan at di-makataong panggigipit sa loob ng ating “territorial waters”.


Nanawagan ang dalawang grupo ng Solidarity for Truth and Justice at ng Atin Ito na magsindi ng kandila tuwing Biyernes, mas mainam araw-araw at manalangin para sa kapayapaan at soberanya. At simula noong gabi ng unang Biyernes ng Mayo, nanawagang magsabit ng bandila ng Pilipinas sa bawat tahanan upang pag-isahin ang ating mga isip, puso at kaluluwa bilang mga anak ng ating kaisa-isang Inang Bayan.


Salamat sa makatang si Vim Nader, ang kumatha ng panalanging tula na maaari nating dasalin araw-araw:

              

“Kandila at Bandila”

Panginoon, Liwanag ng mundo

Kami ang mga Filipinong

Nagkakaisa sa harap Ninyo

Upang dakilain namin Kayo!

Aming bandila ang piping saksi

Sa kadakilaan ng bayaning

Nagbuwis ng kanilang sarili

Sa ngalan ng lahat ng inapi.

Aming kandila ang aming alay

Sa inyo at sa kanilang buhay

Ng mabigyan po namin ng saysay

Ang Kasaysayan ng aming bayan.

 

Hindi karahasan ang ating tugon sa karahasan. Hindi pagmumura at pagsisinungaling din ang ating sagot sa kanilang imbentong dahilan ng kanilang pananakot at pananakop. At hindi pagkakawatak-watak at pagkakanya-kanya ang ating mabubuong ugali sa kanilang walang tigil na pananakot at pangmamaliit sa ating mga magigiting na marino at mga mangingisda. 


Hindi ganting sibat sa kanilang water cannon, ang ating sagot sa kanilang pambu-bully sa sarili nating karagatan. Pagkakaisa sa diwa, damdamin at panalangin ang ating tugon. Babaling tayo at mananawagan sa Diyos na lumikha ng lahat at nagkaloob sa atin ng ating lupa’t karagatan upang mabuhay bilang masaya at masaganang mga mamamayang Pilipino, mga anak Niya at anak din ni Inang Bayan.


Kailangang mabuo at magkatagni-tagni ang bawat puso, isip at kaluluwa ng lahat ng mamamayan sa harap ng hayagang panggigipit at pang-aagaw ng ating lupa at karagatan. 


Oo nga’t ano ang laban ng barkong ‘Pinas, iilang barkong pandigma ng ating Hukbong Pangkaragatan? Lumalaban na nga sila sa mapayapang pamamaraan sa pamamagitan ng patuloy na pagbabantay sa ating karagatan. Hinaharap at tinatanggap ang karahasan ng mapanirang tubig mula sa mga water cannon ng mga barkong China.


Panahon nang kumilos tayo at magkaisa sa simpleng pagsindi ng kandila at panalangin, at sa pagsabit ng ating mahal na bandila sa harap ng ating mga tahanan. Sa simpleng panawagan ng mga kaibigan sa bagong kilusang nabuo noong isang taon, sabay-sabay nating sabihin, ipahayag at isigaw ng buong tapang at pagmamahal: Atin ito! Handog ng Diyos sa atin ang mahal nating bansa na binubuo ng lupa’t karagatan, ng mga bundok at kaparangan, mga isda at hayop, puno at nakakaing bunga ng mga ito at mga halaman. Kayamanang binuhay ng ating mga ninuno at ipinaglaban ng ating mga bayani. 


Hindi sapat na magpasalamat lang tayo. Kailangang-kailangan ngayon na tumayo ang bawat isa sa atin at buong tapang, paninindigan, kasabay ng pananalig sa Diyos ng katotohanan, katarungan at kapayapaan, ating marahan ngunit buong lakas na sambitin: Pilipinas, bayan namin ito, mahal namin at ipaglalaban namin ito!


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page