top of page
Search
  • BULGAR

Kambing o tupa, madaling mainlab at dedma sa negatibong katangian ng minamahal

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | February 23, 2023


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Kambing o Goat, na tinatawag ding Tupa o Sheep, ngayong Year of the Water Rabbit.

Ang Kambing o Goat, Tupa o Sheep ay silang mga isinilang noong taong 1931, 1943, 1955, 1967, 1979, 1991, 2003, 2015, at 2027.


Sinasabi na ang mga Kambing o Tupa ay sadyang mahilig sa sining, kampanteng pamumuhay at ang mga lugar na malapit sa kalikasan. Bakas din sa kanilang pagkatao ang pagiging mapagmahal, tahimik, kimi, may malalim na pagkatao, mapag-isip at mahilig sa musika.


Gayundin, sila ay palakaibigan ngunit mahiyain, kaya kadalasan ay kaunti lang ang kanilang mga nagiging kaibigan. Umasa ka na ang pagkakaibigan na ito ay magiging tapat at panghabambuhay dahil hindi nang-iiwan sa ere ang mga Kambing o Tupa. Sa sandaling naging bahagi ka ng buhay niya, ang ugnayang ito ay ite-treasure o iniingat-ingatan niya.


Sinasabi ring ibinabahagi lang nila sa kanilang matatalik na kaibigan ang laman ng kanilang puso at pagiging sentimental. Ang totoo kasi nito, namimili ang Kambing o ang Tupa ng mga taong kanilang kakaibiganin at pagkakatiwalaan. Sapagkat kapag nagustuhan ka nila, 100% nilang ibibigay ang kanilang tiwala at habambuhay na kayong magiging mag-bestfriend.


Sa pag-ibig, sinasabing bukod sa madaling ma-in love ang mga Kambing o Tupa, sila rin ay sobrang matiisin at may pagka-martir sa panahong sila ay nagmamahal. Kaya kahit na may mga pagkukulang o hindi magandang ugali ang kanilang kasuyo, handang-handa silang pagpasensyahan ito at magsawalang-kibo na lamang. Para sa kanya, hangga’t masaya at nagmamahal siya, anumang pangyayari at negatibong katangian ng kanyang kasuyo ay handa niya itong tanggapin at pagtiisin, huwag lamang masira ang kanilang relasyon.


Dagdag pa rito, sinasabi rin na ang mga Kambing o Tupa ay sobra kung magmahal at palagi silang nakatali o sa ibang salita, sobrang close sila sa kanilang pamilya at tahanan.


Gayundin, dahil mapagmahal at maalalahanin sa kanilang mga mahal sa buhay, hindi nila nalilimutang alalahanin ang mahahalagang okasyon sa kanilang pamilya at tahanan, ganundin ang mahahalagang pangyayari na naganap sa kanila ng kanyang kasintahan.


Sa sandaling napalapit ang loob nila sa isang babae o lalaki, sobrang napapamahal at na-a-attract sila sa kanilang nakakarelasyon, kaya sa sandali ng pansamantalang paglayo, halos hindi ito makakayanan ng Tupa o Kambing dahil tulad ng nasabi na, sobrang emosyunal at sentimental sila, ‘ika nga, hopelessly romantic kung magmahal.


Sinasabi ring madaling ma-in love ang Tupa o Kambing, kung ikaw ay nagtataglay ng malinis at tahimik na puso, ngunit assertive at buo ang kalooban.


Likas namang magiging mapalad ang Tupa o Kambing sa sandaling siya ay napaliligiran ng mga taong may malakas na loob at strong personality.


Samantala, ang extrovert at masiglang pagkatao ng Kabayo ay tugma sa tahimik at maramdaming Tupa o Kambing. Nakatakda ring maging matalik na kaibigan ng Tupa o Kambing ang masayahing Kuneho, dahil hindi nagkakalayo ang kanilang temperament at damdamin, madali silang magkakaunawaan at magkakasundo. Tugma at ka-compatible rin ng Tupa o Kambing ang kumikero at maharot na Unggoy, ang matapang na Dragon at makisig at makasariling Tandang.


Itutuloy




0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page