top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Kamay na bakal, dapat gamitin ni PCSO GM Robles vs. gambling lords na may utang

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 20, 2023
2 min read

ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | Pebrero 20, 2023


GAMITAN NA SANA NI PCSO GM ROBLES NG KAMAY NA BAKAL ANG MGA BALATUBANG GAMBLING LORDS NA MAY UTANG SA PCSO—Hindi joke ang halagang P5 billion na utang sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ng mga jueteng lords na pinayagan noon ni ex-P-Duterte na mag-operate ng Small-Town Lottery (STL) sa bansa.


Masyado lang kasing naging maluwag si dating PCSO General Manager Royina Garma sa mga naturang jueteng lords, kaya nagkautang ng ganyan kalaking halaga sa PCSO ang mga ito.


At ngayong si Melquiades Robles na ang GM ng PCSO, dapat ay magpakitang-gilas siya kay Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) at sa mamamayan. Dapat gamitan niya ng kamay na bakal ang mga balatubang jueteng lords-turned STL operators para masisingil ang mga ito sa kanilang pagkakautang sa PCSO, period!


◘◘◘


KUNG NAIS NI RD GEN. CESAR PASIWEN NA MATIGIL ANG ILLEGAL GAMBLING SA CENTRAL LUZON, DAPAT MAGDEKLARA SIYA NG 'NO-TAKE POLICY'—Parang kabuteng nagsulputan ang raket ng mga gambling lords sa Central Luzon o Region 3.


Marahil, ang dahilan kaya parang kabuteng nagsulputan mga raket na pasugalan sa Central Luzon ay dahil walang pinaiiral na kampanya laban dito si PNP-Region 3 Director, Brig. Gen. Cesar Pasiwen.


Subukan ni Gen. Pasiwen na magdeklara ng ‘no-take policy’ sa kanyang mga tauhan, tiyak na titiklop mga ilegalistang ‘yan at ititigil na ng mga gambling lords ang kanilang mga raket sa Central Luzon. Boom!


◘◘◘


SA MGA PROBINSYA NA SAKOP NG CENTRAL LUZON, BULACAN ANG MAY PINAKAMARAMING ILLEGAL GAMBLING—Sa Central Luzon, Bulacan ang may pinakamaraming illegal gambling tulad ng lotteng, color games, drop balls at sakla.


Dapat ang lahat ng ganitong uri ng raket sa kanyang nasasakupan ay ipa-stop ni Bulacan Provincial Director, Col. Relly Arnedo. Kung ‘nganga’ lang siya, baka malintikan siya kay PNP Chief, Gen. Rodolfo Azurin at sibakin siya nito sa puwesto dahil kilalang anti-illegal gambling ang PNP chief, tapos ‘nganga’ lang sa mga pasugalan ang PD ng Bulacan, period!


◘◘◘


SA PANAHON NINA GEN. BACCAY AT COL. CABRADILLA, NAWALA ANG ILLEGAL GAMBLING, PERO SA PANAHON NINA GEN. PASIWEN AT COL. ARNEDO, DUMAMI ULIT ANG MGA ITO— Noong si Brig. Gen. Matthew Baccay pa ang head ng PNP-Region 3 at noong si Col. Charlie Cabradilla pa ang PD ng Bulacan, tiklop ang mga ilegalista, hindi nila magawang makapang-raket kasi ipinahuhuli agad sila ng dalawang police officials.


Pero ngayong si Gen. Pasiwen na ang RD ng Central Luzon at si Col. Arnedo na ang PD ng Bulacan, walang ginagawang aksyon ang dalawang police officials na ito laban gambling lords.


At kung ano ang dahilan, kaya ‘nganga’ lang sila sa operasyon ng mga mangraraket sa kanilang nasasakupan, sila lang ang nakakaalam. Boom!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page