top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Kaligtasan ng mga biyahero, dapat prayoridad ngayong Undas

BULGAR
Oct 27, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | October 27, 2022


Kani-kanyang paghahanda na ang iba’t ibang ahensya para sa Undas.


Kasabay ng paulit-ulit na paalala na ipagpatuloy ang mga pag-iingat laban sa COVID-19, bantay-sarado rin ang sektor ng transportasyon.


Bilang paghahanda, isinailalim sa seminar ang mahigit 70 drayber at kundoktor ng pampublikong bus, kung saan binalikan ng mga ito ang road signs hanggang sa kung paano masisiguradong ligtas ang unit.


Gayundin, nagsagawa ng surprise inspection ang Land Transportation Office (LTO) sa iba’t ibang bus terminal sa bansa, kabilang ang Integrated Public Terminal sa Koronadal City at Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) sa Parañaque City, kung saan inaasahang higit sa 150,000 ang pasahero kada araw habang papalapit ang Undas.


Nakipagtulungan umano ang LTO sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, tulad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang tiyaking magkakaroon ng sapat na bilang ng pampublikong sasakyan sa parating na long holiday.


Samantala, habang dumarami na ang mga pumupunta sa sementeryo para maglinis ng puntod at bumisita, nagsimula nang mag-deploy ng pulis ang Philippine National Police (PNP) upang matiyak ang peace and order dito.


Inaasahan talagang iba ang pagdaraos ng Undas ngayong taon. Hindi tulad ng mga nakalipas na Undas, limitado ang paggalaw ng mga tao, kaya kaunti lamang ang mga bumiyahe pa-probinsiya at paluwas ng Maynila.


Gayunman, malaking bagay ang mga isinagawang inspeksyon dahil dapat lamang na matiyak na nasa maayos na kondisyon ang mga babiyaheng pampublikong bus ngayong holiday.


Kasabay nito, sana’y mabantayan din ang mga tsuper at kundoktor, kumbaga, tiyaking nasa tama ring kondisyon ang mga ito bago bumiyahe.


Umaasa tayong magpapatuloy pa ang mga inspeksyon hanggang bago mag-Undas dahil bukod sa mga pag-iingat laban sa sakit, naniniwala tayo na dapat ding iprayoridad ang kaligtasan ng mga biyahero.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page