top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Kalagayan ng mga guro, ayusin para ‘di mag-abroad

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 10, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Marso 10, 2024


Habang patuloy ang pandaigdigang kakulangan sa mga educator o tagapagturo, mas maraming gurong Pinoy naman ang umaalis sa ating bansa para magturo sa mga karatig-bansa.

 

Ayon kay Senate Educational Committee chairperson Sen. Sherwin Gatchalian, nakipag-usap siya sa mga guro na umalis ng ating bansa, at binanggit ng mga ito na ang mas mataas na suweldo sa mga kalapit na bansa sa Southeast Asia, kung saan ang pagiging matatas din nila sa Ingles, ang nagiging dahilan para sila ay mas makapagtrabaho roon.

 

Sa obserbasyon ni Gatchalian, dahan-dahan nang nangyayari ito na sa mga pagpunta niya sa iba’t ibang bansa, nakikipag-ugnayan siya sa ating mga embahada, ​​habang madalas niyang nakakausap ang mga kababayan doon na karamihan ay mga guro. 

 

Sinabi naman ng senador sa isang panayam, na marami sa bansa sa Asya ang gusto ay Filipino teachers dahil magaling silang mag-English at mahusay magturo. Kaya naman aniya, isang bagay ito na dapat nating ikasaya na mayroong mga trabaho. Subalit, nakakabahala rin dahil mababawasan tayo ng mga guro rito sa bansa.

 

Binanggit din ni Gatchalian na batay sa isang pag-aaral, ang mga bansa sa buong mundo ay talagang kulang sa mga guro, at ang Pilipinas ang isa sa mga apektadong bansa.

 

Sa ating bansa, ang K to 12 curriculum at ang lumalaking populasyon ay kabilang sa mga dahilan o factors kung bakit masyadong kakaunti ang mga guro para sa bilang ng mga mag-aaral.

 

Paliwanag niya, dahil ito sa mabilis na paglobo ng populasyon, kung saan nasa 200,000-300,000 estudyante ang nadaragdag kada taon, at kung matatandaan, ang ibig sabihin ng K to 12 curriculum ay nagdagdag tayo ng 2 taon sa senior high school (SHS). At isa pa rito ay dahil sa may global demand din sa mga guro, kaya marami sa kanila ang umaalis at nagtuturo sa ibang bansa.

 

Nakakalungkot isipin na katulad ng mga nurse ay ganoon din ang alok sa ating mga guro na mas mataas na sahod abroad para sa kanilang pagtuturo.

 

Siguro, kung magiging maayos ang kalagayan ng ating mga guro at mabibigyan sila ng magandang benepisyo ay mas pipiliin nilang magturo na lamang dito sa ating bansa at hindi iiwan ang kani-kanilang pamilya. 

 

Mas gugustuhin din nilang sanayin ang mga estudyanteng Pinoy kaysa mga dayuhang mag-aaral.

 

Sana, pag-ukulan ito ng pansin ng kinauukulan lalo na’t batid naman natin na may problema pa rin tayo sa sektor ng edukasyon. Huwag nating hayaan na iba ang makinabang sa husay at galing sa pagtuturo ng ating mga titser.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page