OGIE, IBINULGAR NA PULITIKA ANG DAHILAN NG HIWALAYAN NILA NI AIKO
- BULGAR

- 2 days ago
- 5 min read
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | August 14, 2026

Photo: IG _ogie_diaz _aikomelendez
Isa kami sa mga nagulat nang mag-post si Quezon City Councilor Aiko Melendez sa kanyang Facebook (FB) account na naghiwalay na sila ng manager niyang si Ogie Diaz.
Ang post ng konsehala, “My manager Ogie Diaz and I have reached a crossroads in our business life, and we have chosen to take separate roads. Though one thing remains unchanged, we are still good friends. I deeply value the friendship we have built through the years. Always grateful Ogie, for the friendship, trust, and memories we’ve shared and will share (emoji praying hands). Mahal pa rin kita, alam mo ‘yan, Mader.”
Nagtanong kami kay Konsi Aiko tungkol sa post niya na naghiwalay na sila, at sagot nito, “Oo, pero magkaibigan pa rin kami.”
Hirit namin, sana ay walang kinalaman sa pulitika kasi nga magkaiba sila ng sinusuportahan dahil malapit siya kay Vice-President (VP) Sara Duterte at si Ogie naman ay true-blooded supporter at kaibigan ni Naga City Mayor Leni Robredo.
Ang sagot ni Aiko sa amin, “Basta magkaibigan pa rin kami.”
Hindi na kami nangulit pa dahil base sa tono ay ayaw nang mag-elaborate pa ng konsehala ng 5th District ng QC.
Nagpadala kami ng mensahe kay Ogie na kasalukuyang nasa Amerika, pero hindi kami sinagot. Baka dahil sa time difference, tulog pa siya.
Hanggang sa napanood namin ang Showbiz Update (SU) vlog nila nina Mama Loi kasama sina Tamerlane Mopia at Oliver Carnay at dito ikinuwento ni Ogie kung bakit sila naghiwalay ni Aiko.
Bungad ni Ogie, “‘Di ko na po mina-manage si Aiko Melendez.
“Si Aiko Melendez ay maayos na nagpaalam through Viber na magko-concentrate s’ya sa politics at ‘yung mga gusto n’yang mangyari sa buhay n’ya, ‘yung gusto n’yang direksiyon, ‘yung gusto n’yang tahakin sa pulitika, eh, magawa n’ya.
“S’yempre, ‘di naman tayo ang manager n’ya sa politics, 80 percent ng buhay ni Aiko ay sa politics at 20 percent lang ‘yung sa movie career n’ya, so, pinayagan naman natin. Ganu’n lang ‘yun.”
Tanong ni Oliver Carnay, “‘Di kaya dahil ‘di magkapareho ang direksiyon ng political views ninyo?”
At mabilis itong inamin ng manager ni Aiko, “Isa na rin ‘yun! Oo, magkaiba naman kami ng kulay sa pulitika ni Aiko. May mga bumibira sa kanya bakit ‘di kami magkasundo sa kulay n’ya at ganu’n din sa akin, bakit ‘di kami magkasundo sa kulay ko. Dapat daw, kakulay ko si Aiko o kakulay n’ya ako. Ay, ‘di po, ‘di naman kami para tibagin kung ano’ng kulay sa pulitika.”
Hirit ni Mama Loi, “At saka maraming nagko-comment na pagsabihan mo raw si Ms. Aiko sa ibang mga ipino-post n’ya na ‘di mo ‘yun ginawa kasi nga respeto, ‘di ba?”
“Hindi, oo, kasi political views n’ya ‘yan, saka I’m sure, may nakakarating din sa kanya na, ‘Uy, pagsabihan mo ‘yung manager mo, bakit ganu’n ang kulay n’ya sa politics o bakit ganu’n ang view n’ya.’ S’yempre, wala rin namang pakialam si Aiko. Basta importante, maayos kami naghiwalay ni Aiko kahit i-text lang n’ya sa akin, eh, okay lang din naman, hinayaan ko na lang s’ya,” paliwanag ni Ogie.
Tinanong ni Mama Loi kung sino na ang manager ngayon ng konsehala.
Sagot ni Ogie, “S’ya na rin yata kasi parang may ano sila ni Onemig (Bondoc), parang nagsanib-puwersa na sila ni Onemig for brand collaboration. Nandito lang naman ako ‘pag kailangan n’ya ng payo o kung gusto n’ya ng balikat na iiyakan, nandito lang naman ako as always.”
Ang Viva Artists Agency ang nagma-manage kay Andrei Yllana at Starworx ng TV5 naman kay Marthena Jickain. Hindi kaya magpa-manage na rin ang konsehala sa talent
management ng panganay na anak?
“Sabi ko nga, anuman ang maging desisyon ni Aiko, magpa-manage man s’ya sa ibang manager, it’s okay. Ang lagi nating isine-save rito, friendship, eh. Pero kung ayaw na n’ya ‘yung friendship ko ay wala namang problema dahil wala namang permanente rito sa mundo. Ang importante, dapat sa lahat ng pagkakataon ay magkukuwento tayo ng totoong nangyari,” pahayag ni Ogie.
“Kasi ‘pag ‘di totoo, para kang nagsusunog ng tulay,” opinyon ni Mama Loi.
Winish ni Ogie si Aiko ng good luck at lahat ng inquiries ay puwede na raw dumiretso mismo sa konsehala.
‘Di sa lakas ng ulan… BOOM, ISINISI SA BASURA NG MGA ISKUWATER ANG BAHA

Boom Labrusca - IG
HINDI napigilan ng aktor na si Boom Labrusca ang gigil nang mag-trending sa social media na kaya bumaha nang todo sa Barangay Baclaran, Parañaque City ay dahil sa maraming basura.
Natabunan ng basura ang ilog na inanod sa Parañaque City kaya pala ilang oras ang baha sa nasabing siyudad.
Ini-repost ni Boom ang larawan ng nasabing ilog ng basura sa kanyang Facebook (FB) account.
Bungad niya, “Pasintabi po, hangga’t ang mga informal settlers ay hahayaan n’yo r’yan sa tabi-tabi, walang mangyayari. Alisin n’yo po sa ilog sa gilid-gilid ng dagat ang mga ‘yan, tanggalin n’yo lahat,” payo ng isa sa cast ng A Secret in Prague (ASIP) series sa TV5.
Aniya pa, dapat mas mataas ang parusa sa mahuhuling magtatapon ng basura na wala sa lugar.
Sabi niya, “Tapos, taasan n’yo pa kung ‘di mataas, gawing kulong ang pagtatapon ng basura. ‘Yung mga taga-Marikina, nagawa nila, inunti-unti nila, nagtulung-tulong, naumpisahan ng magandang programa ni Bayani (Fernando) na maging malinis muna ang kapaligiran, sinunod ng mga tao dahil sila rin ang napeperhuwisyo.
“Dapat ang tao ay magkaroon na ng malasakit, ‘di ‘yung puro negosyo at pagkakakitaan ng local. Yes po, ito po ay problema ng lokal na pamahalaan ng barangay n’yo. Barangay natin.”
Naniniwala rin ang aktor na hindi naman lahat ng informal settlers ay squatter ang pag-uugali.
“‘Di porke’t nakatira ka sa squatter ay magiging ugaling squatter ka. ‘Yung mga basurang ‘yan, kanino po ba galing ‘yan?
“Batang ‘90s knows. Ang basurang itinapon mo, babalik din sa ‘yo,” sey ni Boom.
Nasilip na rin ng aktor ang illegal electrical tapping o gumagamit ng jumper connections sa Meralco.
Sey niya, “Pati ‘yung systems loss sa Meralco mababawasan, ‘yung mga naka-jumper, mawawala. Char!”
At ang huling sabi nito, “Ano’ng silbi ng flood control kung ganyan ‘yung basurang itinapon n’yo? Squatter ka na nga, squatter pa pati ugali mo (puwede namang maging maayos, ‘di ba?). O, s’ya, sa susunod na baha ulit.”
Maraming netizens ang sumang-ayon sa post na ito ni Boom.
Ang mga nabasa namin:
“Rains are not the cause of floods, people are the cause of floods.”
“Sobrang dami kasi ng iskwater sa Pasay, Manila at Parañaque, alaga ng mga pulitiko ‘yang mga ‘yan. BOTANTE nila ang mga ‘yan para tuluy-tuloy sila sa puwesto.”
“Tao rin dapat ang maging responsable, ‘di lang sa flood control ang sisi lang.”
“Brutal pero tumpak.”
Halos pare-pareho na ang mga komentong nabasa namin tungkol sa isyung ito.





Comments