Kai Sotto, babalik na sa U.S.... Lalaro sa Ignite ng NBA G-League

ni MC - @Sports | February 14, 2021

Inaasahang babalik na sa U.S. si basketball center Kai Sotto matapos makansela ang FIBA Asia Cup qualifiers sa Doha, Qatar dahil sa COVID-19 pandemic.
Inamin ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na gumagawa na sila ng paraan upang makabalik sa U.S. si Sotto upang makapaglaro sa NBA G League. "Dumidiskarte na kami upang matulungan si Sotto na makaalis sa bansa matapos maantala ang nakatakda sana nitong kampanya sa Gilas Pilipinas," ayon sa SBP.
Noong Peb. 2 nang dumating si Sotto sa bansa kasama ang amang si Ervin upang lumahok sa training camp ng Gilas sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.
Pero inanunsiyo ng Qatar ang pagkansela sa serye ng mga laro mula Peb.18-23. Samantala, tuloy ang pananalasa ng team Ignite nang itala ang ikalawang panalo para sa development league season ng NBA sa makapigil-hiningang sagupaan kontra Oklahoma City Blue, 107-101 sa Disney World bubble sa Orlando, Florida.
Muling nanalasa si Congolese forward Jonathan Kuminga na umiskor ng game-high 24 points. Tumulong din sa panalo si Fil-Am high flyer Jalen reen na kumamada ng 21 points. Sunod na sasagupain ng Ignite ang Raptors 905 ngayong Linggo, sa second game ng back-to-back set.





Comments