Kahusayan at kaalaman ng mga guro, susi sa dekalidad na edukasyon
- BULGAR

- Oct 6, 2020
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | October 6, 2020
Alam natin na ang husay at kaalaman ng kabataang mag-aaral ay nakasalalay sa kahandaan at kahusayan ng kanilang mga guro.
Upang patuloy na maiangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa lalo na’t tumatakbo na ngayon ang distance learning kasunod ng pagbubukas ng klase kahapon sa mga pampublikong paaralan, kailangang masuri natin ang edukasyon at pagsasanay na natatanggap ng ating mga guro upang masiguro nating handa silang tugunan ang pangangailangan ng mga mag-aaral.
Sa dahilang ito ay inihain ng inyong lingkod ang Senate Resolution No. 526 na layong matukoy ang mga posibleng hakbang upang iangat ang kalidad ng edukasyon at pagsasanay na natatanggap ng mga guro.
Ayon sa naging ulat ng Congressional Commission on Education o EDCOM, ang kakulangan sa performance ng mga guro ay dahil sa kalidad ng pagsasanay o training na kanilang natatanggap. Base pa sa ulat, kulang ang mga natatanggap na oportunidad ng mga guro pagdating sa professional development.
Bago pa tumama ang pandemya, nakababahala na ang kalidad ng teacher training base sa mga resulta ng Licensure Examination for Teachers o LET nitong mga nakaraang taon. Mula 2014 hanggang 2019, lumalabas na ang average passing rate sa licensure exams ng mga guro sa elementarya ay 28 porsiyento lamang. Sa high school naman, ang average passing rate ay 36 porsiyento lamang.
Sa kabila ng pagkakatatag ng Teacher Education Council o TEC at National Educators Academy of the Philippines o NEAP ilang taon na ang nakakaraan, ngayon lamang nagkaroon ng pagsasanay para sa distance learning dahil sa COVID-19. Kung tutuusin, maituturing na 21st Century Skill ang kahandaan para sa distance learning na dapat ay taglay na ng mga guro.
Para sa kaalaman ng lahat, mandato ng TEC na magdisenyo ng mga programa para sa iba’t ibang antas ng training para sa mga guro mula sa kanilang pag-aaral hanggang sa kanilang pagtuturo. Habang ang NEAP naman ay itinuturing na professional development arm ng Department of Education o DepEd.
Sa isang pag-aaral ng World Bank, kulang ang kahandaan ng mga guro sa elementarya at high school upang ituro ang malaking bahagi ng K to 12 curriculum. Maliban sa mga English elementary teachers, hindi nasasagot nang tama ang kalahati ng mga tanong sa mga subject content tests ng mga pangkaraniwang guro sa elementary at high school.
Napapanahon nang masuri ito lalo na’t sinasalamin ng kalidad ng mga guro ang kalidad ng kaalaman ng ating susunod na henerasyon. Dapat natin siguruhing agarang maipaaabot ang pagsasanay para sa ating mga guro sa lalong madaling panahon.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments