- BULGAR
Kahulugan ng unggoy at bear
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | August 3, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Rolly ng Camarines Sur.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko na pumunta ako sa zoo. Nakatuwaan ko ‘yung mga unggoy, lalo na ‘yung nasa itaas ng malaking puno. Tapos dumako naman ako sa mga bear at lumapit ako, pero hinabol ako at gustong sakmalin nu’ng isang bear, pero hinampas ko ito ng sinturon hanggang sa mapatay ko.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Rolly
Sa iyo, Rolly,
Ang ibig sabihin ng unggoy ay maging handa ka sa darating na kabiguan sa buhay dahil hindi lahat ng gusto mo ay matutupad. Makakaranas ka ng kabiguan sa darating na mga araw. Ayon sa iyo, nasa puno ‘yung unggoy, ito ay nagpapahiwatig na madadamay ka sa isang gulo.
Dapat mong isiping mabuti ang mga ginawa mo sa nakaraang mga araw. Isipin mo kung nakagawa ka ng malaking pagkakamali na dapat mong ituwid agad upang hindi ka masangkot sa nagbabantang gulo bago mahuli ang lahat.
Samantala, ang ibig sabihin ng bear sa panaginip mo ay pagkabahala. Madalas kang mag-alala o mabalisa sa mga bagay na balak mong gawin. Gayundin, ang sabi mo ay hinabol ka ng bear, ibig sabihin, malalagay ka sa isang gipit na kalagayan. May nagbabantang kaguluhan sa pakikisalamuha mo sa iyong mga kaibigan na lihim mo palang kaaway.
Pero huwag kang masyadong mabahala dahil ang sabi mo ay napatay mo ang bear, ibig sabihin, nagapi mo ang iyong mga kaaway at hindi nangyari ang masamang balak nila laban sa iyo.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna