Kahulugan ng umiiyak na sanggol pero tumawa nang buhatin
- BULGAR
- Nov 28, 2021
- 1 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | November 28, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Lydia ng Malolos, Bulacan.
Dear Maestra,
Matagal na kaming kasal ng asawa ko, pero hindi kami magkaanak. Napanaginipan ko na namalengke ako, tapos pagkauwi ko, may narinig akong umiiyak na baby. Nagtaka ako dahil wala naman kaming anak ng husband ko. Gayunman, natuwa ako at kinarga ang baby, tapos biglang tumigil sa pag-iyak ang baby at tumawa ito nang malakas.
Ano ang ibig sabihn nito?
Naghihintay,
Lydia
Sa iyo, Lydia,
Ang panaginip mo na may umiiyak na baby pag-uwi mo, nagpapahiwatig ito na may paparating na pagsubok sa buhay mo. Maaaring ito ay mabigat na pagsubok na halos hindi mo kayang tanggapin. Subalit sabi mo ay tumigil sa pag-iyak ang sanggol at tumawa ito nang kargahin mo, ibig sabihin ay malalagpasan mo ang pagsubok sa tulong ng mga tapat at maaasahan mong kaibigan.
Sa buhay na ito, hindi dapat mawalan ng pag-asa dahil ang lahat ay pansamantala lamang at walang permanente sa mundo. Kung may lungkot, may ligaya. Paikot-ikot lang.
Mabuti nga kung nalulungkot ka ngayon dahil siguradong ligaya ang kapalit niyan. Kung masaya ka ngayon, ihanda mo na ang iyong sarili dahil kasunod niyan ay lungkot.
Ganyan ang buhay, ‘ika nga ay weather-weather lang. Ang mahalaga, marunong kang sumayaw sa tugtog, ibig sabihin, tanggapin mo nang maluwag sa kalooban, anuman ang sitwasyong dumarating dahil ‘yan ay pagsubok lamang na sa sandaling malagpasan ay may gantimpalang nakalaan.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia De Luna




Comments