Kahulugan ng uhaw na uhaw at uminom ng tubig sa sapa
- BULGAR
- Jul 13, 2021
- 2 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | July 13, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Ben ng Sampaloc, Manila.
Dear Maestra,
Kumusta kayo? Nawa ay nasa maayos kayong kalagayan, gayundin ang mga mahal n’yo sa buhay at mga kasamahan n’yo r’yan. Gusto kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko kagabi.
Napanaginipan ko na nasa loob ako ng isang malaking kagubatan. Gusto kong sumagap ng sariwang hangin at mamahinga sa saliw ng mga huni ng ibon habang nakaupo sa ilalim ng puno at napaliligiran ng mga berdeng halaman. Tapos bigla akong sinumpong ng uhaw at nang kukunin ko na ang baon kong tubig sa aking bag ay hindi ko pala nadala, kaya lalong tumindi ang pagkauhaw ko at halos matuyo na ang lalamunan ko.
Naghanap ako ng sapa na may tubig at nakakita naman ako, malinaw ang tubig kaya agad ko itong ininom para mawala ang pagkauhaw ko. Tapos naisip kong umuwi sa aming bahay, subalit naligaw ako at puro dawag ang dinaanan. Naglakad ako sa matinik na landas para makita ang tamang daan. Ano ang ipinahihiwatig nito?
Naghihintay,
Ben
Sa iyo, Ben,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo ay makararanas ka ng malaking pagbabago sa buhay mo. May magandang kapalaran na nakatakdang mapasaiyo, subalit kung hindi ka magiging maagap, maaaring makawala ang magandang pagkakataon na inilaan sa iyo ng tadhana.
Maging mapagmatyag ka sa kapaligiran at sa mga taong iyong nakakasalamuha araw-araw. Huwag mong palampasin ang mga oportunidad na darating upang makaahon ka na sa kasalukuyan mong kalagayan. ‘Ika nga, daig ng maagap ang masipag, kaya talasan mo ang iyong pakiramdam.
Bagama’t may mga taong hahadlang sa iyong pag-unlad at mayroon pa ring kaunting sagabal, maiiwasan mo ito. Magtatagumpay ka sa mga pagsubok kung magiging matalino ka sa pagpapasya. Ito na ang pagkakataong hinihintay mo. Papadating na ang magandang kapalarang matagal mo nang inaasam-asam. Muli, abot-kamay mo na ang tagumpay.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments