Kahulugan ng tirang pagkain, magulong silya at masarap na bacon
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | December 29, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Tiffany ng Sorsogon.
Dear Maestra,
Napakaganda ng inyong kolum tungkol sa panaginip dahil naliliwanagan ako at nagiging gabay ito sa aking buhay. Gusto kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko.
Napanaginipan ko na kasama ko ang aking mga kaibigan, tapos pumunta kami sa isang birthday party at sabay-sabay na kumain sa isang long table. Nasarapan ako sa nakahain na bacon, tapos ‘yun ang inulam ko at sarap na sarap ako habang kumakain, kaya lang, pagkatapos naming kumain, ang gulo-gulo ng mga upuan at puro tira na lang ang pagkain sa mga pinggan. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Maestra Estrellia De Luna
Dear Tiffany,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na um-attend kayo ng birthday party ng mga kaibigan mo at sabay-sabay na kumain sa isang long table ay may matatanggap kang magandang balita.
Kaya lang, sabi mo ay magulo ang mga silya at tirang pagkain ang makikita sa mga pinggan, ito naman ay babala na may hindi magandang pangyayari ang mararanasan mo sa darating na mga araw, kaya dapat kang mag-ingat at maging mapagmatyag.
Samantala, ang bacon ay nagpapahiwatig na posible kang masangkot sa alitan o away sa mga taong nakapaligid sa iyo. Maging mahinahon ka at gawin mo ang kaukulang pag-iingat upang makaiwas sa away.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia De Luna




Comments