Kahulugan ng snow at nagkasakit dahil sa lamig nito
- BULGAR
- Sep 6, 2021
- 1 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | September 06, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Jessica ng Romblon.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko na umulan ng snow sa lugar namin. Natuwa ako kasi parang ginadgad na yelo ang snow, tapos naisipan kong kumuha ng baso at inilagay ko roon ang snow na para bang gagawa ako ng halo-halo hanggang biglang nagkaroon ng snow storm. Dali-dali akong pumasok sa aking bahay, tapos kinabukasan ay nagkasakit ako dahil pinasok ng lamig ang katawan ko. Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Jessica
Sa iyo, Jessica,
Ang ibig sabihin ng snow ay kasaganaan at kaunlaran sa pang-araw-araw mong pamumuhay. Ang snow storm naman ay nagpapahiwatig na hindi ganu’n kadali ang buhay sa mundo dahil daraan ka muna sa mga pagsubok at pagtitiis bago makamit ang tagumpay at umunlad sa buhay.
Gayundin, sabi mo ay nagkasakit ka kinabukasan dahil sa lamig ng snow, ito naman ay nangangahulugan na may parating na tukso sa buhay mo, kaya dapat kang maging matatag upang makaiwas sa tukso dahil kung hindi mo maiiwasan, tiyak na mawawasak ang iyong buhay.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna







Comments