top of page

Kahulugan ng putok ng baril at alagang gansa

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 14, 2023
  • 1 min read

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | August 14, 2023



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Rudy ng Sampaloc, Manila.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na may narinig akong putok ng baril sa likod ng aming bahay kung saan nandu’n ang mga alaga kong gansa, bumaba agad ako para tingnan kung tinamaan sila ng paputok.


Buti na lang ay ligtas sila, at inayos ko na lang ang kulungan nila kaya dumumi ng husto ang kamay ko.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Rudy


Sa iyo, Rudy,


Ang ibig sabihin ng panaginip mo na may narinig kang putok ng baril sa likod ng iyong bahay, ay babala na may matatanggap kang masamang balita malapit d’yan sa bahay n’yo, maaaring ang kapitbahay mo mismo ang maghahatid ng masamang balita.


Ang bumaba ka upang tingnan kung tinamaan ng putok ng baril ang mga alaga mong gansa, ay nagpapahiwatig na isa sa mga kaibigan mo ay may gagawing hindi maganda laban sa iyo, ito rin ay nangangahulugang dapat kang mag-ingat sa pagbibitaw ng mga ‘di kanais-nais na salita upang hindi ka malagay sa ‘di magandang sitwasyon.


Samantala, ang inayos mo na lang ang kulungan ng alaga mong mga gansa kaya dumumi ng husto ang mga kamay mo, ay senyales na maaari kang masangkot sa hindi magandang gawain na magiging sanhi upang malagay sa panganib ang buhay mo.


Umiwas ka sa mga gawaing may masamang ibubunga sa pagkatao mo lalo na iyong madaling pagkakitaan ng pera pero illegal naman.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page