Kahulugan ng puting linen at nahirapang magbukas ng cabinet
- BULGAR
- Nov 13, 2022
- 1 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | November 13, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Robert ng Quezon City.
Dear Maestra,
Magandang araw sa inyo. Isa ako sa mga tagahanga ng kolum n’yo at nais ko ring magpaanalisa ng panaginip ko.
Napanaginipan ko na hinahanap ko ‘yung damit kong white linen pati ‘yung may iba’t ibang kulay na linen din ang tela. Naalala ko na sa lumang cabinet ko matatagpuan ang nasabing mga damit, kaya kinuha ko ang susi ng cabinet, pero hindi ko ito mabuksan dahil na-lock nang husto. Gayunman, hindi ako tumigil hangga’t hindi ko ito nabubuksan. Sa bandang huli ay nabuksan ko rin ang cabinet at nandu’n nga ‘yung mga damit na hinahanap ko.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Robert
Sa iyo, Robert,
Ang puting linen sa panaginip mo ay nagpapahiwatig na makakatanggap ka ng magandang balita. Hindi mo inaasahan ang magandang balitang ito, kaya masusurpresa ka. Ang colored linen naman ay nangangahulugan na may mamanahin kang malaking halaga ng pera mula sa iyong kaanak na yumao na.
Samantala, ang cabinet na naka-lock at nahirapan kang buksan ay nangangahulugan na dadaan ka sa matinding pagsubok. Subalit ang sabi mo ay nabuksan mo rin ito, ibig sabihin, nakapasa ka sa pagsubok. Mararating mo ang minimithi mo sa kabila ng mga sagabal na iyong dinanas.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna



Comments