Kahulugan ng pinatid ng bff kaya nagalit at biglang buhos ng ulan
- BULGAR
- Oct 20, 2021
- 2 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | October 20, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Jethro ng Bulacan.
Dear Maestra,
Kumusta kayo r’yan? Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan. Kung ako ang tatanungin ninyo, sa awa ng Diyos ay nakakaraos naman kahit napakahirap talaga ng buhay sa panahong ito ng pandemya. Nais kong ipaanalisa sa inyo ang panaginip ko.
Napanaginipan ko na kasali kami ng best friend ko sa isang karera sa pagtakbo. Ako ang nangunguna, tapos kasunod ko ‘yung best friend ko, subalit bigla niya akong pinatid para siya ang mauna. Nagalit ako sa kanya at pinagmumura ko siya, tapos susuntukin ko pa sana siya pero biglang umulan at nagtakbuhan ang lahat para humanap ng masisilungan kasama na ang best friend ko na biglang nawala. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Jethro
Sa iyo, Jethro,
Ang panaginip mo na ikaw ay kasali sa karera ng pagtakbo ay nangangahulugan na susuwertehin ka sa negosyo na balak mong buksan. Hindi lang ‘yan dahil magiging mapalad ka rin sa pag-ibig kung saan mapapasagot mo ang napupusuan mong babae ngayon.
‘Yun namang galit na galit ka sa best friend mo, maganda ang ipinahihiwatig nito. Ito ay nangangahulugan na siya mismo ang pinaka-loyal sa mga kaibigan mo at hindi gaya ng iniisip mo. Tapat siyang kaibigan at mapagkakatiwalaan.
Samantala, ang sabi mo ay biglang umulan kaya hindi natuloy ang balak mo na suntukin ang best friend mo at bigla siyang tumakbo upang humanap ng masisilungan, ang ulan, lalo na kung ito ay malakas, ito ay nagpapahiwatig ng gulo at hindi pagkakasundo. Ibig sabihin, may nakaambang kaguluhan sa buhay mo kaya dapat kang maging maingat at alerto sa lahat ng sandali. Pero kung mahina ang ulan o ambon lang, ito ay nangangahulugan ng kaligayahan at kasaganaan sa buhay na malapit nang mapasaiyo.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna



Comments