Kahulugan ng pinasok ng baha ang bahay at walang naisalba na gamit
- BULGAR
- Oct 7, 2021
- 1 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | October 07, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Teresita ng Kawit, Cavite.
Dear Maestra,
Gusto kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko. Napanaginipan ko na bumaha rito sa lugar namin. Masyado akong nalungkot dahil pinasok ng baha ang bahay namin, tapos nabasa lahat ng mga gamit namin at wala akong nailigtas. Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Teresita
Sa iyo, Teresita,
Ang baha sa panaginip mo ay nangangahulugan na ang relasyon mo sa iyong minamahal ay magiging maganda at panatag, gayundin, papalarin ka na sa lahat ng gusto mong gawin.
Malulutas na rin ang problema mo sa pera dahil may paparating na grasya. Kaya lang, ang sabi mo ay nalungkot ka dahil pati loob ng bahay mo ay pinasok ng baha. Ito naman ay nangangahulugan na kakailanganin mong isakripisyo ang iyong sariling kapakanan para tulungan ang mga nangangailangan, kasama na rito ang mga kamag-anak mo na wala nang maaasahan pa.
Lalapit sila sa iyo at hihingi ng tulong-pinansyal.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna
Comments