Kahulugan ng panaginip tungkol sa yumaong bff
- BULGAR
- Jan 23, 2023
- 2 min read
ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | Enero 23, 2023
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Joanna ng Cebu.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko ‘yung best friend ko na namatay, isang buwan na ang nakakalipas.
Nasa isang madilim na silid siya, tapos may mga kasama siya ru’n at nakahiga sila sa kama, magkakatabi silang nakahiga, tapos nakita niya ako.
Lumapit siya sa akin at itinuro niya ‘yung hagdan paakyat sa langit. Sinamahan niya ako hanggang sa 7th floor, pero bumalik siya sa madilim na silid na kung saan kasama niya ‘yung iba pang nakahiga ru’n.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Joanna
Sa iyo, Joanna,
Ang panaginip tungkol sa best friend mo na kamamatay lamang, nasa madilim na silid kasama ng iba pa at nakahiga sa kama ay nagpapatunay lamang na ang kaluluwa ng tao ay hindi agad dumidiretso sa langit. Mananatili sila sa madilim na lugar o ‘yung tinatawag nating purgatoryo hangga’t hindi natin ipinagdarasal ang kapayapaan ng kanilang kaluluwa para tuluyan nang makaakyat sa langit.
Ang nakita ka niya at itinuro sa iyo ang daan paakyat sa langit ay nangangahulugang gusto na niyang makaalis sa madilim na lugar na kinasadlakan ng kanyang kaluluwa. At ikaw bilang best friend niya ay makakatulong kapag ipinagdasal mo siya o nagpamisa ka para sa kanyang kaluluwa.
Samantala, ang 7th floor ay biblical number na nagpapahiwatig ng completion. Matapos likhain ng Diyos ang mundo, namahinga Siya sa ikapitong araw. Pito ang bilang ng sakramento, mayroong pitong araw sa isang linggo, ganundin ang bilang ng mga dahon ng halamang gamot na ilalaga sa pitong basong tubig para gumaling ang maysakit kapag ito ay ininom.
Ang bumalik siya sa madilim na lugar kasama ng iba pa ay nagpapahiwatig na humihingi siya ng dasal, hindi lamang para sa kanya kundi sa iba pang kasama niya sa madilim na lugar na ‘yun upang hanapin ang kaliwanagan sa tulong ng iyong mga dasal. Gayundin, isama mo sa pagdarasal ang mga kaibigan at kakilala mo at kung puwede ay ipagpamisa mo na rin ang kaluluwa niya para makarating agad siya sa langit. Mas maraming nagdarasal, mas mabuti.
‘Ika nga, God hears, God listen, God cares.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments