Kahulugan ng pagkain sa hapag kainan at dumapong langaw
- BULGAR
- May 7, 2023
- 1 min read
ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | May 7, 2023
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Joann ng Makati.
Dear Maestra,
Napakaganda ng column niyo. Bukod sa nalalaman ng mambabasa ang kahulugan ng panaginip niya, nagbibigay din kayo ng payo para makaiwas sa ‘di magandang kahulugan nito.
Napanaginipan ko na ang daming pagkain sa hapag kainan namin. Kaya lang, marami rin langaw na dumadapo rito.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Joann
Sa iyo, Joann,
Maraming salamat sa palaging pagsubaybay mo sa column ko. Natutuwa ako dahil nasisiyahan ka sa pag-aanalisa ko sa mga panaginip na ipinadadala ng mga mambabasa sa akin.
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na maraming pagkain sa hapag kainan niyo ay kasaganaan at kaligayahan sa piling ng iyong mga mahal sa buhay. Kaya lang, ang sabi mo marami ring langaw na dumadapo rito. Ito ay nangangahulugan na bagama’t sasagana ang buhay mo, may mga pagkainis kang mararanasan at ‘di kanais-nais na pangyayari na kaakibat sa pagyaman mo.
Dahil d’yan, makakaramdam ka rin ng kalungkutan. Gayunman, magpasalamat ka pa rin sa Diyos sa mga biyayang darating upang hindi tuluyang bawiin ang grasyang pagkakaloob sa iyo.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments