Kahulugan ng namitas ng bulaklak at hinarana ang babaeng bet maging dyowa
- BULGAR
- Jul 18, 2021
- 2 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | July 18, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Bryan ng Eastern Samar.
Dear Maestra,
Single ako pero lapitin ng mga babae kahit hindi naman ako kaguwapuhan. Sa dami ng babaeng nagkakagusto sa akin, may isa na akong napupusuan, pero pakipot siya at playing hard to get. Gayunman, palagay ko ay mapapasagot ko rin siya. Napanaginipan ko kagabi na balak kong maging seryoso sa naturang babae at kung sasagutin niya ko, balak ko rin siyang pakasalan agad.
Naisip kong mamitas ng sariwa at mabangong bulaklak sa garden namin upang ibigay sa kanya, pero karamihan sa mga bulaklak ay lanta na. Buti na lang, sa kahahanap ko ng sariwa at mabangong bulaklak ay nakakita naman ako. Agad ko itong pinitas upang ibigay sa kanya at dalhin na ang gitara ko para haranahin siya. Hindi na ako nag-aksaya ng oras dahil agad akong pumunta sa bahay niya upang ibigay ang bulaklak at tugtugan siya ng gitara sa hangaring mapasagot siya. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Bryan
Sa iyo, Bryan,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo ay mapapasagot mo na ng ang babaeng napupusuan mo, kaya lang ay hindi ganu’n kadali. Pahihirapan ka pa rin niya upang makasiguro na tunay ang pag-ibig mo at seseryosohin mo siya. Nagpapahiwatig din ito na mahal ka rin niya sa simula pa lang, pero takot siya na paglaruan mo o ibilang sa mga babaeng hindi mo pinansin.
Gayunman, ituloy mo ang balak mong pagpapakasal sa babaeng ito na napupusuan mo. Ang panaginip mo ay nagpapahiwatig na maganda ang magiging pagsasama ninyo dahil pareho ang nararamdaman ng puso ninyo. Muli, matutuloy ang balak mong pagpapakasal sa kanya.
Hangad ko ang inyong kaligayahan, kapayapaan at kasaganaan sa darating na mga araw. Pagpalain nawa kayo ng Dakilang Kataas-taasan.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments