Kahulugan ng namasyal sa bukid, huminto at namahinga
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | March 27, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Joana ng Zambales.
Dear Maestra,
Magandang araw sa inyo! Napanaginipan kong namasyal ako sa aming bukid. Damang-dama ko ang malamyos na simoy ng hangin, at ang sarap ng aking pakiramdam. Huminto ako, umupo at namahinga sandali. Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Joana
Sa iyo, Joana,
Ang ibig sabihin ng masaya kang naglalakad sa inyong bukid ay matutupad mo na ang matagal mo nang pinapangarap sa buhay. Kung ang bukid na sinasabi mo ay katatapos pa lang araruhin, ibig sabihin, magdadaan ka muna sa matinding pagsusumikap bago makamit ang iyong pangarap.
Gayunman, sabi mo ay huminto ka muna, naupo at namahinga sandali, ito ay nangangahulugan na magkakaroon ka ng mga bagong kakilala na makatutulong sa iyo upang abutin ang iyong mga pangarap.
Sumaiyo nawa ang pagpapala ng Dakilang Lumikha. Alalahanin mong hindi masama ang mangarap. Ipagpatuloy mo ang pagsusumikap dahil isang araw, magigising ka na lang at magugulat dahil abot-kamay mo na ang iyong mga pangarap.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments