Kahulugan ng namamasyal sa kulungan kasama ang misis
- BULGAR
- Jul 5, 2021
- 1 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | July 05, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Kevin ng Tarlac.
Dear Maestra,
Ako ay isang tricycle driver, may asawa at isang anak, at nakikitira lang kami sa lola ko. Ang pagpasada lamang ang pinagkakakitaan ko at halos hindi magkasya ang kita ko sa pang-araw-araw naming gastusin.
Sa aking pamamasada, nagulat ako nang bigla akong pinosasan ng isang pulis. Itinuro pala ko ng kasamahan kong tricycle driver na kasama niyang nagbebenta ng droga sa mga kaibigan namin. Nakakulong ako ngayon sa presinto namin, awang-awa ako sa asawa’t anak ko dahil hindi nila alam kung saan kukuha ng panggastos sa araw-araw. Napakalungkot ng asawa ko at iyak siya nag iyak.
Napanaginipan ko na rito sa bilangguan, namamasyal kami ng asawa ko. Masayang-masaya kami at sweet na sweet, magka-holding hands pa kami habang ang sikat ng araw ay napakaganda na parang nakikiisa sa aming pamamasyal. Ano ang ipinahihiwatig nito?
Naghihintay,
Kevin
Sa iyo, Kevin,
Maganda ang ipinahihiwatig ng panaginip mo. Ang ibig sabihin niyan ay mapapawalang-sala ka at makakalaya na sa bilangguan. Lalabas din ang katotohanan na wala kang sala sa kasalanang ibinibintang nila sa iyo. Isinangkot ka lamang ng kaibigan mo dahil noon pa man ay may lihim na siyang galit sa iyo. Lingid sa kaalaman mo, matagal na rin siyang naiinggit sa iyo.
Ipanatag mo ang iyong isipan. Magdasal ka nang taimtim d’yan sa bilangguan. Malapit ka nang makalaya at hindi magtatagal, lalabas ka na sa bilangguan gaya ng ipinahihiwatig ng panaginip mo.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna
Comments