Kahulugan ng nakulong at dinalaw ni Pangulong Duterte
- BULGAR
- Mar 25, 2021
- 1 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | March 25, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Dexter ng Malabon.
Dear Maestra,
Napanaginipan kong nakakulong ako sa bilangguan, tapos dinalaw ako ni Pangulong Duterte at kinausap nang matagal. Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Dexter
Sa iyo, Dexter,
Ang iyong panaginip na ikaw ay nakakulong sa bilangguan ay kabaligtaran ang ipinahihiwatig sa iyong buhay. Sapagkat sa darating na mga araw, mae-enjoy mo na ang ganda ng buhay. Kumbaga, makakalaya ka na sa pagkakabilanggo sa iyong tahanan at wala nang makikialam sa mga gusto mong gawin. Makapagpapasya ka nang walang sumasalungat o tumututol sa nais mong mangyari. Katulad mo ang isang ibon na nakawala sa hawla at masayang lilipad-lipad sa kalawakan.
Sa kabilang dako, ang sabi mo ay dinalaw ka ni Pangulong Duterte at kinausap ka nang matagal. Kung masaya ang mukha niya habang kinakausap ka, ito ay nagpapahiwatig na magkakamit ka ng karangalan sa inyong lugar. Bibigyan ka ng award dahil sa maganda mong nagawa sa inyong barangay. Subalit kung malungkot ang mukha niya at parang punumpuno ng pag-aalala, ang ibig sabihin nito, ang mga plano mo sa buhay na gusto mo nang simulan sa lalong madaling panahon ay bigla na lang magkakaroon ng malaking pagbabago dahil sa hindi inaasahang pagdating ng matalik mong kaibigan galing sa abroad.
Maging kalmado ka lang sa buhay. Huwag mong ipilit ang gustong mangyari upang maiwasan ang mga pangyayari na posibleng maghatid sa iyo sa bilangguan.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna



Comments