top of page

Kahulugan ng nakauwi agad ang mister na OFW at nakapatay ng ahas

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 19, 2021
  • 2 min read

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | July 19, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Laura ng Bacolod.


Dear Maestra,

Seaman ang asawa ko at kakaalis lang niya last month. Sumakay na ulit siya sa barko matapos ma-lockdown dito dahil sa COVID-19 pandemic. Sa awa ng Diyos, tapos na ang lockdown sa lugar namin at pinayagan nang makaalis ‘yung magtatrabaho sa abroad.

Naiwan kami ng lima kong anak sa piling ng aking ina. Napanaginipan ko na bigla siyang umuwi rito sa Pilipinas at nagulat ako dahil kaaalis lang niya.

Napanaginipan ko rin noong isang gabi na may nakapasok na ahas sa pintuan namin. Itinaboy ko ‘yung ahas pero ayaw umalis, tapos pinalo ko nang pinalo hanggang sa mapatay ko. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?

Naghihintay,

Laura


Sa iyo, Laura,

Ang ibig sabihin ng panaginip mo ay matatagalan pa sa abroad ang asawa mo. Hindi siya uuwi hangga’t hindi kayo nabibigyan ng maginhawang pamumuhay ng mga anak mo.


Ang ahas na nakapasok sa pintuan ninyo ay nagpapahiwatig na may mga lihim kang kaaway na labis ang pagkainggit sa iyo at hindi siya titigil na pabagsakin ka sa kasalukuyan mong kalagayan. Ito rin ay nagbababala na may karibal ka sa pagtingin ng asawa mo.


Gayunman, ang sabi mo ay napatay mo ang ahas. Ibig sabihin niyan ay matatalo mo ang mga kaaway mo. Iminumungkahi ko na ibayong pag-iingat ang dapat mong gawin. Makiramdam kang mabuti sa kapaligiran upang matukoy mo ang lihim na kaaway na sisira sa buhay mo o karibal sa pagmamahalan ninyong mag-asawa na hahadlang sa kapayapaan at katahimikan ng pagsasama ninyo. Sa ganitong paraan, makagagawa ka agad ng nararapat na hakbang bago mahuli ang lahat. Huwag kang masyadong malungkot dahil malinaw na ipinahihiwatig ng panaginip mo na ikaw ang magwawagi laban sa iyong mga kaaway at karibal.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page