Kahulugan ng nakabasag ng baso
- BULGAR
- Jun 14, 2021
- 1 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | June 14, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Domingo ng South Cotabato.
Dear Maestra,
Matagal ko nang gustong ipaanalisa sa inyo ang mga panaginip ko. Hangang-hanga ako sa karunungang ipinagkatiwala sa inyo ng Maykapal. Palagi kong sinusubaybayan ang column n’yo. Nalulungkot ako kapag naubusan ako ng BULGAR dahil mabilis maubos dito sa lugar namin ang diyaryo n’yo.
Gusto kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko kagabi. Napanaginipan ko na nakabasag ako ng baso dahil hindi ko makita ang lalagyan nito. Nakalimutan ko kasing isuot ang salamin ko, pero kahit walang salamin, pumunta ako sa kusina upang kumuha ng baso at uminom ng malamig na tubig. Ano ang kaya ang kahulugan nito?
Naghihintay,
Domingo
Sa iyo, Domingo,
Ang ibig sabihin ng nakabasag ka ng baso ay hindi pa tapos ang mga pagtitiis mo sa buhay. Marami ka pang sasagupaing problema, kaya magpakatatag ka sa mga suliraning dumarating. Humingi ka rin ng tulong sa Diyos Amang kataas-taasan. Magdasal ka nang taimtim at iwasang tumahak sa maling landas ng buhay. Posible kasing pumayag ka sa isang transaksiyon na madaling pagkakitaan pero ilegal naman.
‘Yan ang ipinahihiwatig ng nakalimutan mong isuot ang iyong salamin. Hanggang dito na lang, nawa’y naliwanagan ka sa pag-aanalisa ko sa panaginip mo. Magandang araw at pagpalain ka nawa ng Diyos na may lalang.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna







Comments