Kahulugan ng nagtatrabaho sa tindahan at nagpunit ng papel
ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | Pebrero 24, 2023
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Imelda ng Cotabato.
Dear Maestra,
Isang mapagpalang araw ang bati ko sa inyo, gayundin sa mga mahal mo sa buhay at kasamahan mo r’yan sa BULGAR.
Napanaginipan ko na nagtatrabaho ako sa isang tindahan, tapos may nakita akong nagkalat na papel, kaya pinagpupunit ko ang mga ito. Maya-maya ay bigla akong naiyak dahil naalala ko ‘yung love letter na pinagpupunit ko noon.
Ano ang ipinahihiwatig ng panaginip ko?
Naghihintay,
Imelda
Sa iyo, Imelda,
Ang ibig sabihin ng nagtatrabaho ka sa isang tindahan ay kaginhawahan sa buhay. Ang pinagpupunit mo ang papel na iyong nasulyapan ay nagpapahiwatig na mawawala na ang mga alalahanin mo sa buhay. Gayundin, matatapos na rin sa wakas ang matitindi mong mga problema na bumabagabag sa isip mo.
Samantala, ang bigla kang naiyak dahil naalala mo ang love letter na pinunit mo noon ay nangangahulugang may kaligayahang naghihintay sa iyo sa darating na mga araw at magiging masaya ka. Magse-celebrate ka kasama ng iyong mga kaibigan dahil sa magandang pangyayari na hindi mo sukat akalaing magaganap sa buhay mo.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments