top of page
Search
  • BULGAR

Kahulugan ng nagkape at late sa trabaho

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | March 30, 2023



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Rochelle ng Nueva Ecija.


Dear Maestra,


Magandang araw sa inyo. Isa ako sa mga tagahanga ng inyong kolum tungkol sa panaginip.


Hanga ako sa pag-aanalisa n’yo ng mga panaginip, kaya pangatlong beses ko nang pagsangguni ito.


Napanaginipan ko na maaga akong gumising para hindi ma-late sa pinapasukan ko. Uminom muna ako ng kape, tapos nasa kusina rin ang asawa ko at umiinom ng kape.


Bigla akong napatingin sa wall clock, tapos late na pala ako. Nagmamadali akong nagbihis at umalis ng bahay.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?

Naghihintay,

Rochelle


Sa iyo, Rochelle


Maganda ang ipinahihiwatig ng panaginip mo na maaga kang gumising at pumunta sa kusina para magkape dahil ito ay nangangahulugang liligaya ka na sa kasalukuyan mong pamumuhay.


Dahil d’yan, magiging kuntento ka na para bang wala nang hahanapin pa sa buhay.


Ang nakita mo ang iyong asawa sa kusina at nagkakape rin ay nagpapahiwatig na ang kaligayahang mararanasan mo ay may posibilidad na pansamantala lamang. Madali itong lilipas dahil sa kagagawan ng mahal mo sa buhay.


Samantala, ang bigla kang napatingin sa wall clock at late ka na sa papasukan mo ay nagpapahiwatig na masyado kang nakatutok sa mga gawain na walang masyadong maitutulong sa iyo. Dahil d’yan, nami-miss mo ang magagandang opportunities na dapat samantalahin mo para ikaw ay umunlad sa buhay. Nangangahulugan din ito na kulang ka sa diskarte at pagpaplano para marating mo ang tagumpay na matagal mo nang inaasam-asam.



Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page