Kahulugan ng nagdasal at natulog matapos magbasa ng pocket book
- BULGAR
- Jun 1, 2021
- 2 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | June 01, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Josie ng Pandacan, Manila.
Dear Maestra,
Napakaganda ng column n’yo sa BULGAR. Isa ako sa napakarami n’yong tagasubaybay. Dalaga pa ako at nangangarap na magpakasal sa tinatangi kong minamahal sa kasalukuyan. Ipinagdarasal kong mawala na ang COVID-19 pandemic upang matuloy na kasal namin ng boyfriend ko.
Masarap basahin ang kahulugan ng mga panaginip na ipinaaanalisa sa inyo, kaya gusto ko ring malaman ang kahulugan ng aking panaginip. Napanaginipan ko na ako ay nagbabasa ng pocket book. Ganadong-ganado ako sa pagbabasa dahil love story ito at halos nangyari na ‘yun sa sarili kong buhay. Pagkatapos kong magbasa, nagdasal ako at natulog na. Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Josie
Sa iyo, Josie,
Napakaganda ng ibig sabihin ng panaginip mo dahil ito ay nangangahulugan na malapit ka nang ikasal sa kasintahan mo ngayon. Gayundin, liligaya ka sa piling niya at bubuhos ang mga biyaya sa inyo. Pagpapalain ang pagsasama n’yo at bibiyayaan kayo ng matatalino at malulusog na anak.
Masuwerte ka, Josie, dahil isa ka sa mga pinagpapala at kinalulugdan ng Diyos dahil sa malinis mong kalooban. Hindi ka mapagkunwari at may positibong pananaw sa buhay, at dahil sa kalinisan ng puso mo, may gantimpalang inilalaan sa iyo ang Diyos. Pagpapalain ka na Niya, bibigyan ng masaganang buhay sa piling ng iyong magiging kabiyak hanggang sa huling sandali ng iyong buhay.
Samantala, ipagpatuloy mo ang mabubuting gawa at pagmamahal sa kapwa upang lalo ka pang sumagana at pagpalain. Higit sa lahat, huwag mong kalimutan ang iyong pamilya at ipagpatuloy din ang pagtawag sa Diyos na makapangyarihan sa lahat. Pasalamatan mo Siya sa mga biyayang iyong natatanggap. Ugaliin mong magdasal sa gabi bago matulog kasama ang iyong pamilya.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna







Comments