Kahulugan ng nagda-drive at iba’t ibang kulay ng lobo
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | December 27, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Laura ng Bulacan.
Dear Maestra,
Magandang araw sa inyong lahat d’yan sa BULGAR. Gusto kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko.
Napanaginipan ko na nagda-drive ako ng kotse nang may natanaw akong mga lobo na lumilipad sa himpapawid at may iba’t ibang kulay ang mga ito. Ano ang ipinahihiwatig nito?
Naghihintay,
Laura
Sa iyo, Laura,
Ang ipinahihiwatig ng panaginip mo na nakasakay ka sa kotse ay babala na posibleng maghirap ka sa buhay kung hindi mo iingatan ang iyong kabuhayan.
Samantala, ang mga lobo na nakita mo na may iba’t ibang kulay ay nangangahulugan na ang inaasahan mong kasaganaan at katuparan ng mga pangarap mo ay hindi agad magkakatotoo.
Huwag mong pagsabay-sabayin ang mga pinagkakaabalahan mo sa buhay. ‘Ika nga, one at a time upang hindi ka maguluhan at mag-panic kung may darating na problema.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia De Luna




Comments