top of page

Kahulugan ng multo at higante

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 26, 2021
  • 2 min read

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | July 26, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Joan ng Pasig.


Dear Maestra,

Natutuwa ako dahil ‘yung ibang panaginip ko ay halos kamukha ng mga nababasa ko sa column ninyo kaya hindi ko na kailangang ipaanalisa sa inyo. Pero noong nakaraang gabi, sobrang nabalisa at natakot ako sa aking panaginip.

Napanaginipan ko na may multo sa kuwarto ko pero hindi ko siya kilala. Nakakatakot ang hitsura niya, nagsasalita rin siya pero sa takot ko ay hindi ko masyadong naintindihan ang sinasabi niya. Bigla akong nagising na nanunuyo ang lalamunan at halos hindi makahinga. Uminom agad ako ng tubig para bumuti ang aking pakiramdam at natulog ako ulit.

Nanaginip naman ako na may higanteng nakasilip sa bintana ng kuwarto ko at pasilip-silip lang siya pero ayaw namang pumasok. Ano ang ibig sabihin ng mga panaginip ko?


Naghihintay,

Joan


Sa iyo, Joan,

Ang ibig sabihin ng panaginip na may multo sa kuwarto mo ay babala at paalala na dapat mong bigyang-pansin ang relasyon mo sa iyong mga kaibigan at mahal sa buhay. Makiramdam kang mabuti kung sila ba ay tunay na mga kaibigan o nagkukunwari lang. ‘Yung iba r’yan ay may lihim na inggit sa iyo at nagbabalak ng hindi maganda para pabagsakin ka.


Sa mga mahal mo naman sa buhay, pakisamahan mo silang mabuti, lalo na ‘yung mga in laws mo na akala mo ay totoo ang ipinapakitang kabutihan sa iyo, pero ‘pag nakatalikod ka ay may sinasabing hindi maganda na makakasira sa pagkatao mo.


Gayunman, sabi mo ay nagsalita ‘yung multo pero hindi mo masyadong narinig. Ang ibig sabihin niyan ay may importante siyang mensahe sa iyo. Napakahalaga ng gusto niyang ipabatid, kaya sana ay muli mong maalala at balikan sa iyong isipan ang panaginip mo. Sikapin mong alalahanin kung ano ang gusto niyang sabihin.


Samantala, tungkol sa higante, ito ay nangangahulugan na may hahadlang sa mga binabalak mo sa buhay. Marami kang pagtitiis na daranasin bago mo maisakatuparan ang mga gusto mong gawin. Mangangailangan ito ng tiyaga, determinasyon at tiwala sa sarili. Dahil dito, maging matatag ka sa mga darating na araw. Huwag kang susuko gaanuman katindi ang pagsubok na darating sa iyong buhay. Tumawag ka sa Diyos kapag hindi mo na kaya. Tiyak na malalagpasan mo ang lahat kung matututo kang magdasal sa Diyos na makapangyarihan sa lahat.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page