top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Kahulugan ng minulto ng mister

  • BULGAR
  • Oct 15, 2022
  • 2 min read

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | October 15, 2022


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Ollie ng Bulacan.


Dear Maestra,


Nawa’y nasa mabuti kayong kalagayan pati na ang pamilya n’yo at mga kasamahan d’yan sa Bulgar.


Limang taon na ang nakalipas nang pumanaw ang mister ko at napanaginipan ko na pinagmultuhan niya ako. Ang sabi niya sa akin ay ipagdasal ko siya at magpamisa dahil hindi sa langit napunta ang kaluluwa niya kundi sa impiyerno. Bigla akong nagising, takot na takot at uhaw na uhaw.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Ollie


Sa iyo, Ollie,


Ang ibig sabihin ng panaginip mo na pinagmultuhan ka ng asawa mo ay dapat kang mag-ingat sa pakikitungo sa iyong mga mahal sa buhay at maging sa iyong mga kaibigan dahil may posibilidad na magkaroon kayo ng hindi pagkakasundo na maaaring mauwi sa away.


Samantala, dapat mong bigyang-pansin at isakatuparan agad ang sinabi ng mister mo na ipagdasal at ipagpamisa siya dahil hindi sa langit napunta ang kaluluwa niya kundi sa impiyerno. Makakatulong ang pagdarasal at pagpapamisa mo para sa kaluluwa ng asawa mo upang hanguin siya sa impiyerno at tuluyan nang umakyat sa langit. Mas maraming nagdarasal at nagpapamisa sa kaluluwa niya, mas mabuti. ‘Yan ang katotohanan ng buhay na kinokontra ng ibang relihiyon, pero napakaepektibo upang ang isang kaluluwa ay hanguin sa impiyerno at tuluyan nang makaakyat sa langit at magkaroon ng kapayapaan sa piling ng Diyos Amang makapangyarihan.


Kapag nandu’n na ang kaluluwa ng mga yumao kasama ang mister mo, sila naman ang magsisilbing guardian angel natin na nakatunghay at nakaalalay pa rin sa atin. Physical body lang nila ang nawala, pero ang kaluluwa ay buhay pa rin. Magpaparamdam sila sa mga mahal nila sa buhay na naiwan dito sa lupa.


Kaya mapapansin natin na kapag may matindi tayong problema, mapapanaginipan natin ang yumaong mahal natin sa buhay. Nagpaparamdam na nand’yan pa rin sila at nakaalalay. Sundin mo na ngayon din ang sinabi ng iyong mister sa panaginip mo. Ipagdasal at magpamisa ka para sa kanyang kaluluwa.


Makapangyarihan ng dasal, dinidinig ito ng Diyos, lalo na kung taimtim sa puso ang pagdarasal.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page