top of page

Kahulugan ng mga tupa sa gubat

  • BULGAR
  • Jul 9, 2022
  • 1 min read

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | July 9, 2022


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Jomar ng Cavite.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na nasa kagubatan ako, tapos may dala akong lampara na siyang gamit ko para ilawan ang aking daraanan. Nakakita ako ng mga tupa sa gubat, tapos nalibang ako sa panonood sa mga ito na nanginginain sa damuhan hanggang ang lampara ko ay unti-unting lumabo at kukuti-kutitap na lang at tuluyan na itong nawalan ng ilaw.


Ano ang kahulugan ng panaginip ko?


Naghihintay,


Jomar


Sa iyo, Jomar,


Hindi mo sinabi kung binata ka pa o may asawa na. Kung binata ka pa, ang ibig sabihin ng panaginip mo na nakakita ka ng mga tupa sa kagubatan ay makakapag-asawa ka ng maganda, batang-bata pa at mapang-akit na babae, subalit walang alam sa mga gawaing bahay, tamad at relaks lang sa buhay. Kung ikaw naman ay may asawa na, ang ibig sabihin ng panaginip mo ay kaligayahan sa pamilya sa piling ng inyong mga anak.


Samantala, kung maliwanag ang ilaw ng lampara, ito ay nagpapahiwatig na magtatagumpay ka sa pinili mong propesyon. Kung lumabo naman ang ilaw gaya ng sabi mo, ito ay nagpapahiwatig ng kalungkutan at kapighatian. At ‘yung tuluyang nawala ang ilaw nito ay nangangahulugang made-delay ang mga pangarap na gusto mong makamit. May mga hadlang ka pa na kakaharapin bago ka tuluyang magtagumpay sa iyong mga inaasam-asam.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page