Kahulugan ng mga santo at santa
- BULGAR
- Jan 4, 2022
- 1 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay |January 04, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Bhot ng Silang, Cavite.
Dear Maestra,
Sumaiyo nawa ang pagpapala ng Dakilang Lumikha. Madalas akong managinip ng mga santo at santa, halimbawa ni Saint Claire, Sister Faustina, Padre Pio at Birhen ng Manaoag at Divine Mercy Shrine.
Napanaginipan ko rin na nagbibigay ako ng babala sa mga tao na dapat silang mag-ingat dahil may paparating na kalamidad. Binibigyan ko rin sila ng advice sa mga problema nila sa buhay. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Bhot
Sa iyo, Bhot,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo tungkol sa mga santo at santa ay mananatiling tahimik at payapa ang buhay mo kung saan hindi ka daranas ng mabibigat na problema.
Samantala, ‘yun namang Divine Mercy Shrine ay nagpapahiwatig na makakatanggap ka ng mana mula sa mahal mo sa buhay na malaon nang pumanaw. Ito rin ay nagpapahiwatig na may kasamahan ka sa simbahan na magbibigay sa iyo ng regalo at may magandang balita pa siyang hatid tungkol sa mga gawain mo sa simbahan.
Tungkol naman sa nagbibigay ka ng babala tungkol sa kalamidad na darating at pinapayuhan mo rin ang mga tao sa kanilang problema ay nangangahulugan na makakagawa ka ng isang bagay na hahangaan ng mga tao. Ikaw ay pararangalan at rerespetuhin sa inyong lugar.
Dahil dito, ipagpatuloy mo ang mabubuting gawain dahil isa ka sa instrumento ng Diyos para sa ikabubuti ng Sangkatauhan.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia De Luna




Comments