Kahulugan ng maraming langgam at unggoy
- BULGAR
- Jun 30, 2021
- 2 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | June 30, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Ronaldo ng Taguig City.
Dear Maestra,
Magandang araw! Isa akong empleyado sa isang malaking kumpanya rito sa Bonifacio Global City. Araw-araw akong nagbabasa ng BULGAR at nagustuhan ko ang column n’yo. Gayundin, gusto kong ipaanalisa ang panaginip ko sa inyo. Sana ay mabigyan n’yo ng puwang sa column n’yo ang aking panaginip. Araw-araw akong mag-aabang ng inyong kasagutan.
Napanaginipan ko kahapon na maraming langgam sa pinapasukan kong opisina. Pati sa loob ng office at dito mismo sa upuan ko, napakaraming langgam. Kagabi naman, napanaginipan ko nasa kagubatan ako. Ang daming unggoy sa paligid ko, mayroong mga nakaupo sa puno at ‘yung iba naman ay gusto akong lapitan. Ano ang kahulugan nito?
Naghihintay,
Ronaldo
Sa iyo, Ronaldo,
Ang ibig sabihin ng mga langgam sa panaginip mo ay maraming sagabal ang kakaharapin mo r’yan sa pinapasukan mo. Daraan ka sa maraming pagsubok at mga pagtitiis, gayundin, palagi kang mag-aalala at hindi mapapalagay. Pagkabalisa at pagkainip ang iyong mararamdaman. Gayunman, dahil ang layunin mo sa buhay ay umasenso, magkaroon ng matatag na trabaho at malaking suweldo, pagtitiisan mo ang lahat hanggang makamit mo ang tagumpay.
‘Yung mga unggoy na sinasabi mo ay nangangahulugang dapat mong ihanda ang iyong sarili sa mga pagsubok. Sa kabila ng pagsusumikap at pagpupursigeng mapabuti ang trabaho mo, posibleng mabigo ka pa rin sa iyong minimithi.
Samantala, ang sabi mo ay nakaupo sa puno ‘yung ibang unggoy. Ito ay nagpapahiwatig na hindi inaasahang gulo ang daranasin mo sa pinapasukan mong kumpanya. Pag-isipan mong mabuti kung may nagawa kang kapalpakan noong mga nakaraang araw o kung may pagkakamali ka bang nagawa na kailangan mong ituwid para mailagay sa ayos ang iyong gawain.
Sadyang ganyan ang buhay natin sa mundo, kailangang magpatulo muna ng pawis bago magtagumpay. Hindi puwedeng tatamad-tamad o nakanganga lang maghapon. Hanga ako sa pagsusumikap mo na marating ang tagumpay. Huwag kang susuko dahil sa dakong huli, makakamit mo rin ang minimithi mo sa buhay. Ang taong matiyaga at matiisin ay pinagpapala
ng Diyos na Poon natin.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments