Kahulugan ng mapa, madyikero at mask
- BULGAR
- Sep 9, 2021
- 1 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | September 09, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Gerry ng Obando, Bulacan.
Dear Maestra,
Magandang araw sa inyo! Ako ay isang adventurer at mahilig mag-travel.
Napanaginipan ko na may hawak akong map, tapos tinitingnan ko kung saan ako susunod na pupunta. Pinuntahan ko ang lugar na napili ko, tapos lahat ng nakasalubong ko ay nakasuot ng mask. Nagkakatuwaan ang mga tao dahil may madyikero na nagpapamalas ng iba’t ibang magic tricks. Ano ang ipinahihiwatig ng panaginip ko?
Naghihintay,
Gerry
Sa iyo, Gerry,
Ang ibig sabihin ng mapa ay paglalakbay sa iba’t ibang bansa. Maglalagi ka roon ng mahabang panahon kung saanman ‘yung napili mong bansa na gusto mong tirahan nang matagalan. Kung colored ‘yung mapa sa panaginip mo, ito ay nangangahulugan na babalik ka sa sarili mong bansa na ikaw ay mayamang-mayaman.
‘Yun namang nakita mo na nakasuot ng mask ang lahat ng masalubong mo, ito ay nagpapahiwatig na hindi ka gaanong sincere sa pagmamahal mo sa iyong kasintahan. Ibig sabihin, mababaw lang ang pagmamahal mo sa kanya at wala kang balak seryosohin siya.
Samantala, ang madyikero sa panaginip mo ay nangangahulugan ng pagbabago tungo sa kaunlaran. Magbabago na ang buhay mo dahil mahahango ka na sa kasalukuyan mong pamumuhay at uunlad ka na. Subalit dapat kang mag-ingat sa mga kaibigan mo na malapit sa iyong puso dahil may nagbabalak na siraan ka sa ibang tao dahil sa sobrang inggit niya sa iyo. Lihim siyang nagbabalak pabagsakin ka. Dahil dito, dobleng pag-iingat at talas ng pakiramdam ang dapat mong gawin. Huwag kang magtiwala sa kaibigan na akala mo ay tapat pero ‘yun pala ay huwad.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna







Comments