top of page

Kahulugan ng malakas na agos, nanalo sa raffle at iba’t ibang halaga ng pera

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 21, 2021
  • 2 min read

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | December 21, 2021



Analisahin natin ang liham na ipinadala ni F.G.C.


Dear Maestra,


Isa akong masugid na tagasubaybay ng inyong kolum at gusto ko ring malaman ang kahulugan ng panaginip ko.


Nanaginip ako ng maraming malalaking bato na nakaharang sa daraanan ko.


Nanaginip din ako ng malakas na agos ng tubig sa ilog at hindi ako makatawid. Ang ibig bang sabihin ng mga panaginip ko na sa edad ko na 68 ay hindi na ako makakaranas ng maginhawang buhay?


May isa pa akong panaginip kung saan tinawag ang buo kong pangalan at sinabi na nanalo ako sa isang raffle. Gayundin, ano ang ibig sabihin ng panaginip na pera tig-P50, P100 at P1,000?


Umaasa ako na mapagbibigyan n’yo ang kahilingan ko. Maraming salamat!


Naghihintay,


F. G. C.

Sa iyo, F.G.C.,


Maraming salamat sa pagsubaybay mo sa aking kolum at pagsangguni tungkol sa panaginip mo.

Isa-isahin natin ang panaginip mo. Una, ang malaking bato sa panaginip mo ay nangangahulugan na may humahadlang sa mga plano mo, kaya huwag kang magtaka kung hindi mo agad makamit ang minimithi mo.


Ang malakas na agos ng tubig sa ilog at hindi ka makatawid ay nagpapahiwatig ng kalungkutan at pagkabigo sa inaasahan mong magandang buhay sa hinaharap. Hindi ka makaahon-ahon sa kahirapan sa kabila ng iyong pagsisikap, subalit huwag kang mag-alala, matitikman mo rin ang ginhawa habang tumatanda ka. ‘Yun nga lang, hindi gaanong kaginhawahan o hindi mayamang-mayaman, kumbaga, hindi mahirap at hindi rin mayaman, katamtaman lang.


‘Yun namang nanalo ka sa raffle at tinawag ang pangalan mo, kabaligtaran ang ibig sabihin nito.


Nagpapahiwatig ito na mag-ingat ka sa mga kaibigan mo na naghahangad ng hindi maganda sa iyo dahil gagawa sila ng paraan para pabagsakin ka, hindi lamang sa iyong pinagkakakitaan kundi maging sa personal mong pamumuhay.


Samantala, ang panaginip mo tungkol sa iba’t ibang halaga ng pera ay nagpapahiwatig na may surpresang nakalaan sa iyo ang tadhana. Hindi inaasahang grasya at pagpapala ang biglang darating sa buhay mo.


Kaya huwag kang mawalan ng pag-asa, sa edad mong 68, may pag-asa pang guminhawa ka sa darating na pagpapalit ng taon. Hindi man mayamang-mayaman, sapat naman ito para sa mga pangangailangan mo sa buhay. Hindi ka na kakapusin, basta’t matutunan mo kung paano hahawakan ang grasyang ilalaan sa iyo ng tadhana.




Matapat na sumasaiyo,


Maestra Estrellia De Luna


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page