Kahulugan ng magulo at gray na buhok
- BULGAR
- Aug 14, 2021
- 1 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | August 14, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Shirley ng Zambales.
Dear Maestra,
Nagpapasalamat ako dahil nagkatotoo ‘yung meaning ng panaginip na ipinaanalisa ko sa inyo noong nakaraang linggo. Nakaiwas ako sa isang gulo na dapat ay daranasin ko. Sinunod ko ‘yung payo ninyo na talasan ang aking isipan at huwag patol nang patol sa mga sinasabi ng kunwari ay kaibigan pero kaaway pala. Kaya heto na naman ako at sumasangguni sa inyo tungkol sa panaginip ko kagabi.
Napanaginipan ko na magulo ang buhok ko at kulay gray na ito, pero nang kukunin ko ‘yung suklay, biglang namanhid ang mga kamay ko. Hindi ko na ito maigalaw para suklayin ang magulo kong buhok, tapos ang dumi-dumi rin ng mga kamay ko. Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Shirley
Sa iyo, Shirley,
Natutuwa naman ako sa balita mo na nagkatotoo ang kahulugan ng panaginip na ipinaanalisa mo sa akin at nakatulong ang maikling payo na sinabi ko sa iyo para makaiwas ka sa gulo.
Tungkol naman sa panaginip mo kagabi, ang ibig sabihin ng magulo mong buhok at kulay gray na ito ay babala na huwag kang makisali sa mga tsismisan. Iwasan mo rin ang pagiging madaldal dahil may posibilidad na mapaaway ka dahil sa pakikipagtsismisan nang wala namang batayan. ‘Yun namang biglang namanhid ang mga kamay mo at marumi ang mga ito, ibig sabihin niyan ay mahihirapan kang makaiwas sa gulo. Nagpapahiwatig din ito na dobleng ingat ang gawin mo kung ayaw mong malagay sa magulong sitwasyon na magdudulot sa iyo ng kahihiyan at pagiging mababa ng tingin sa iyo ng iyong mga kapitbahay.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna







Comments