Kahulugan ng magandang bundok, malinis na lawa at ulap
- BULGAR
- Jul 8, 2021
- 1 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | July 08, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Lerma ng Makati City.
Dear Maestra,
Nanaginip ako ng maganda, malaki at perpektong shape ng bundok. Bundok daw ‘yun ng Ama. Tapos sa kabilang panig, may lawa na parang salamin ang tubig. Pagsilip ko, bigla akong nalaglag at lumangoy ako para makaahon, tapos bumalik ako sa harap ng bundok. Para siyang buhay na bundok at may kaunting ulap sa paligid. Ngayon lang ako nanaginip ng ganu’n at parang totoong nangyari. Ano ang ipinahihiwatig nito?
Naghihintay,
Lerma
Sa iyo, Lerma,
Ang bundok sa panaginip mo ay nagpapahiwatig na dadaan ka pa sa mga hirap at pagsusumikap para mapasaiyo ang grasyang minimithi mo. ‘Yung lawa na parang salamin ang tubig ay nangangahulugan na may kaibigan ka pa rin na tapat sa iyo, sila ay mabait at nagmamalasakit sa kapakanan mo.
Ang sabi mo ay nalaglag ka at lumangoy para makaahon. Nagbababala ‘yan na may gulo pa rin na maaaring maganap sa darating na mga araw, anumang gulo ito, magtatagumpay ka sa dakong huli. Maaaring mawala sa iyo ang karapatan sa ipinaglalaban mo, pero huwag kang mag-alala dahil magtatagumpay ka sa ipinaglalaban mo. Nagpapahiwatig din ang panaginip mo na posibleng mawalan ka ng ari-arian.
‘Yung kaunting ulap sa paligid ng bundok ay nangangahulugan ng hindi pagkakaunawaan, ngunit ito ay panandalian lamang.
Samantala, ang bundok ng Ama na tinutukoy mo sa panaginip ay mismong Diyos Ama sa langit na patuloy na sumusubaybay sa iyo. Hindi ka Niya pababayaan. Makakaahon ka sa mga pasanin sa buhay. Lagi mong isaisip na sa kabila ng madilim na ulap, naghihintay ang liwanag.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna







Comments