Kahulugan ng late ang dyowa pero ‘di nagalit
- BULGAR
- Nov 7, 2021
- 1 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | November 7, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Lolit ng Nueva Ecija.
Dear Maestra,
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko na may usapan kami ng dyowa ko na magkikita sa isang hindi mataong lugar. Tapos nauna akong dumating at hintay ako nang hintay sa kanya, pero inip na inip na ako at wala pa rin siya. Halos isang oras akong nagtiyagang maghintay hanggang sa dumating din siya. Pero sa halip na magalit ay natawa na lang ako nang marinig ko ang paliwanag niya kung bakit siya na-late sa aming usapan. Umaasa ako sa inyong kasagutan. Maraming salamat!
Naghihintay,
Lolit
Sa iyo, Lolit,
Ang panaginip mo na inip na inip ka sa pagdating ng boyfriend mo sa lugar na pinag-usapan ninyo ay nagpapahiwatig na siya ay nagtataglay ng ugali na hindi padalos-dalos sa kanyang pagpapasya. Kumbaga, nag-iisip muna siya nang mabuti at hindi nagmamadali sa katuparan ng kanyang minimithi. Siya rin ay hindi gaanong malambing magmahal.
‘Yun namang sa halip na magalit ay natawa ka nang marinig mo ang paliwanag niya kung bakit siya nahuli, ito ay nagpapaalala na maging maingat ka sa pagpapahayag ng iyong nadarama. Ito ay dahil may posibilidad na makaranas ka ng kalungkutan dahil hindi gaanong matindi ang pagmamahal na inaasahan mo mula sa iyong karelasyon.
Malamang ay dumanas ka lamang ng pagluha kung masyado mong ihuhulog ang iyong damdamin sa kanya.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna
Comments